3 impeachment articles binawi ng prosecution

MANILA, Philippines — Binawi ng prosecution panel nitong Martes ang tatlo sa apat na Articles of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte at tututukan na lamang ang kasong may kaugnayan sa umano’y “unexplained wealth” upang ituloy ang pagpapatalsik sa kanya sa puwesto.
Sa ika-39 na araw ng paglilitis, ipinaabot ni House lead prosecutor Atty. Gerville “Jinky” Luistro ng Batangas 2nd District sa Senate Impeachment Court ang desisyon ng prosekusyon na huwag nang ituloy ang tatlo sa apat na impeachment charges laban sa Bise Presidente.
Ayon kay Luistro, ang mga binawi ay ang Article I na may kaugnayan sa paggamit ng confidential funds, Article III o bribery, at Article IV o grave threats.
Sa halip, pananatilihin ng prosekusyon ang Article II na tumutukoy sa alegasyon ng umano’y hindi maipaliwanag na paglobo ng yaman ni Duterte.
“Today, the prosecution respectfully manifests that it will no longer pursue three of them. It will stand on one, and that is Article II on unexplained wealth,” pahayag ni Luistro sa mga senator-judges.
Naniniwala ang prosekusyon na sapat at matibay ang kanilang mga ebidensya upang
patunayan ang alegasyon sa ilalim ng Article II at magsilbing batayan para sa pagpapatalsik sa puwesto ng Bise Presidente.
“We believe that evidence is substantial and compelling, and warrants the respondent’s removal from office for culpable violation of the Constitution and betrayal of public trust,” ani Luistro.
Binigyang-diin din niya na may nauna nang halimbawa sa impeachment trial ni dating Chief Justice Renato Corona kung saan binawi rin ng prosecution ang ilan sa mga artikulo at ipinagpatuloy lamang ang mga kasong itinuturing nitong may sapat na ebidensya.
Saklaw ng Article II ang mga alegasyon ng unexplained wealth, mga paglabag sa Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN), at umano’y pakikilahok sa mga ipinagbabawal na negosyo.
Ayon pa kay Luistro, layunin ng hakbang na ito na mapabilis ang takbo ng impeachment trial upang makapagpalabas agad ng desisyon ang Senado at makapagtuon na rin ang mga senador sa iba pang mahahalagang tungkulin, kabilang ang pagtalakay sa panukalang P7.2 trilyong pambansang badyet para sa taong 2027.
Tinanggap naman ni Senate presiding officer Francis “Chiz” Escudero ang kahilingan ng prosecution panel na iurong ang tatlo sa apat na Articles of Impeachment laban kay VP Sara.
- Latest
















