Jinggoy, muling sinuspinde ng Sandiganbayan ng 90-araw

MANILA, Philippines — Muling ipinag-utos ng Sandiganbayan Fifth Division ang 90-araw na preventive suspension ni Senador Jose “Jinggoy” Estrada kaugnay ng kinahaharap nitong mga kasong plunder at graft.
Ito na ang ikalawang suspension order laban kay Estrada na may kaugnayan sa nasabing plunder case, na nag-ugat sa umano’y ilegal na budget insertions at kickbacks sa mga infrastructure at flood-control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa ilalim ng 2025 national budget.
Sa inilabas na resolusyon, suspendido si Estrada sa kanyang posisyon sa Senado at sa anumang iba pang pampublikong tungkulin sa loob ng 90 araw.
Ayon sa Fifth Division, nareresolba na ang mga isyu hinggil sa bisa ng mga criminal charges laban kay Estrada kaya ministeryal na tungkulin ng hukuman ang magpalabas ng preventive suspension order.
Iginiit naman ni Estrada na wala nang batayan para sa panibagong suspensiyon dahil nakakulong na siya sa New Quezon City Jail mula pa noong Hunyo 1, 2026, kaya wala na umano siyang kakayahang impluwensiyahan o hadlangan ang paglilitis.
Sinabi rin ng senador na magiging dagdag na parusa ang panibagong 90-araw na suspensiyon dahil kasalukuyan na siyang nagsisilbi ng hiwalay na 90-araw na preventive suspension na ipinataw ng Sandiganbayan Second Division noong Hunyo 22, 2026.
Gayunman, binigyang-diin ng Fifth Division na wala itong kapangyarihang timbangin kung kinakailangan ang suspensiyon upang pigilan ang isang akusado na maimpluwensiyahan ang mga saksi, hadlangan ang prosekusyon o makagawa ng iba pang iregularidad sa puwesto.
Inatasan din ng Sandiganbayan ang Office of the Senate President na ipatupad ang naturang suspension order.
- Latest
















