VP Sara: I will never resign

MANILA, Philippines — Mariing iginiit ni Vice President Sara Duterte na wala siyang planong magbitiw sa puwesto sa kabila ng nagpapatuloy na impeachment trial laban sa kanya sa Senado.
“I will not resign, will never resign from the Office of the Vice President,” pahayag ni Duterte.
Ayon sa Bise Presidente, wala pa silang nakikitang agarang hakbang na gagawin kaugnay ng kaso ngunit patuloy nilang pinag-aaralan kasama ng kanyang mga abogado ang mga alegasyon laban sa kanya at ang mga legal na remedyong maaari nilang tahakin.
“Pinag-uusapan namin ng mga abogado na napakarami naman ng mga legal recourses na ginagawa ni (Ramil) Madriaga, ni (Rodulfo) Gracioso, ni (NBI director Melvin) Matibag, ni (Antonio) Trillanes, kaso we do not expect fairness from the government in general. Pinag-uusapan lang, pero wala naman kaming hakbang,” aniya.
Kasabay nito, mariin ding itinanggi ni Duterte na pagmamay-ari niya ang mga ari-ariang iniimbestigahan ng National Bureau of Investigation (NBI) at iniuugnay sa kanya at sa kanyang pamilya. “Nakakabahala na ang National Bureau of Investigation (NBI), na pinopondohan ng taumbayan, ay ginagamit ang kanilang mga operasyon para sa mga gawaing walang malinaw na pakinabang sa publiko,” ani Duterte.
Partikular niyang pinabulaanan ang alegasyong may isang lote na umano’y nakasaad sa kanyang SALN. “Ang lote sa larawan na sinabi nilang nasa aking Statement of Assets, Liability, and Net Worth o SALN ay hindi sa akin,” giit ng bise presidente.
Dagdag pa ni Duterte, nararapat aniyang tiyakin na ang bawat hakbang ng mga ahensiyang pinopondohan ng taumbayan ay naaayon sa batas, nakabatay sa katotohanan at nagsisilbi sa interes ng publiko.
- Latest
















