DPWH ipinatigil ‘illegal reclamation’ sa Taguig

MANILA, Philippines — Ipinatigil ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang mga proyektong iniuugnay sa umano’y ilegal na reklamasyon sa Taguig City.
Ayon kay DPWH Secretary Vince Dizon, naglabas sila ng cease-and-desist order noong Agosto 20 laban sa mga proyektong konektado sa reklamasyon ng Laguna de Bay sa Taguig, alinsunod sa direktiba ng Tanggapan ng Pangulo at ng Philippine Reclamation Authority (PRA).
“We already issued, as ordered by the Office of the President through the Philippine Reclamation Authority… so nag-issue na kami nung August 20,” pahayag ni Dizon.
Dagdag pa niya, nagpatawag na ng pulong ang iba’t ibang stakeholders kabilang ang City of Taguig, MMDA, at PRA upang talakayin ang mga isyu kaugnay ng proyekto.
Una nang nanawagan si Senator Panfilo Lacson ng imbestigasyon sa mga kuwestiyonableng proyekto sa Taguig portion ng Laguna Lake na sinimulan noong huling bahagi ng 2025.
Ayon kay Lacson, nabigo ang city government na makipag-ugnayan sa mga kaukulang ahensiya at sumunod sa tamang proseso.
Noong Oktubre 2025, una na ring sinita ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang ilang flood control projects sa Taguig.
- Latest




















