^

PSN Opinyon

Buhay na walang scroll: Kaya ba ng mga Pinoy?

Pabida - June G. Trinidad - Pilipino Star Ngayon

Isa malungkot na realidad sa ating mga kabataan ngayon na bawat isang pindot ay bukas na ang mundo ng karahasan. Araw-araw, nalulunod sila sa mga laro at post sa Facebook na puno ng dugo, murahan, at patayan. Hindi kaya na walang hawak na telepono sa isang araw dahil lahat tayo ay laging nag-aabang sa susunod na noti­fication.

Ang mga Pinoy ay kabilang sa may pinakamataas na oras ng paggamit ng internet sa buong mundo. Gina­gamit natin ang Facebook para sa balita; TikTok para sa libangan; Messenger para sa pamilya at kung tatanggalin ang pag-scroll, ano ang mangyayari? Hindi na ito simpleng libangan. Ito ay naging isang digital na kanser na dahan-dahang sumisira sa kaisipan ng susunod na henerasyon.

Kaya naman ay bukas si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pag-aaral ng panukalang i-ban ang Facebook at mga mararahas na online games kasunod ng mga insidente ng karahasan sa mga paaralan.

Nag-ugat ito sa mga nakaraang insidente ng karahasan sa paaralan, gaya ng nangyari sa Tacloban City, kung saan iniugnay ang mga suspek sa mga mararahas na laro tulad ng GoreBox.

Ayon sa pamahalaan, lumalabas sa mga paunang pagsusuri na ang ilang kabataan ay naimpluwensyahan o na-desensitize sa karahasan dahil sa kanilang nakikita online.

Bagamat may hangaring protektahan ang kabataan, ma­rami ang nagbabala na kailangang pag-aralan itong mabuti dahil hindi lamang ang mga laro o social media ang sanhi ng krimen.

Mahalagang tutukan din ang kalusugang pangkaisipan (mental health), gabay ng magulang, at ang sistema ng edukasyon sa loob at labas ng tahanan.

Sabi ng mga eksperto at grupo ng mga tagagawa ng laro na hindi solusyon ang absolute ban o basta-bastang pagpigil.

Ang tunay na susi ay ang aktibong gabay ng mga magulang at tamang paggamit ng parental controls sa bawat gadyet. Kailangan din ng edukasyon o digital literacy upang matutunan ng mga bata na ihiwalay ang mundo ng laro sa totoong buhay.

Ang solusyon ay nasa tamang disiplina, gabay ng pa­milya, at pananagutan ng mga kompanya sa likod ng mga platapormang ito. Kaya ito ng Pinoy, pero hindi ito madali dahil hinubog tayo ng teknolohiya. Hindi masamang mag-scroll, ngunit mas ma­gandang mabuhay nang hindi alipin ng screen.

PINOY

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with