Ligtas noon, lubog ngayon
Kung dati’y ang baha ay itinuturing na problema lamang ng mga low-lying areas gaya ng Malabon at Navotas, ngayon ay pati mga lugar na matagal nang ligtas ay lumulubog na. Ang pagbabago ng klima, walang habas na urbanisasyon, at kapabayaan sa flood control ang nagtulak sa pagbabagong ito.
Sa Quezon City, mga kalsada sa Sto. Domingo at NS Amoranto na noon ay bihirang bahain, ngayo’y regular na nagiging dagat tuwing malakas ang ulan. Sa Valenzuela, Brgy. Bagbaguin ay nakaranas ng malalim na baha na hindi dati nakikita. Sa Caloocan, Gen. Luis Avenue ay lumulubog na rin, samantalang sa Bulacan at Pampanga, mga bayan gaya ng Hagonoy, Calumpit, at Guagua ay halos taun-taon nang nagdedeklara ng state of calamity.
Hindi na ito simpleng “tag-ulan” lamang. Napapansin natin ang mas matitinding bagyo, mas mahabang panahon ng init, at biglaang pagbuhos ng malakas na ulan na nagdudulot ng pagbaha sa loob ng ilang oras. Ang dating “isang linggong ulan” ngayon ay maaaring bumuhos sa loob ng isang araw. Malinaw na palatandaan ang mga ito ng pagbabago ng klima. Ang mga siyentipiko ay matagal nang nagbabala na ang climate change ay nagpapalala ng lahat ng natural na kalamidad. Dagdag pa rito ang baradong estero, kulang na drainage, at walang long-term flood control projects. Ang resulta - mga komunidad na dati’y ligtas, ngayon ay lumulubog.
Kung may maayos na urban planning, drainage system, at seryosong kampanya laban sa basura, baka hindi ganito kalala ang sitwasyon. Hindi natin sinasabing madali ang solusyon. Ngunit malinaw na hindi sapat ang ginagawa. Hindi na sapat ang “relief operations” tuwing baha. Ang kailangan ay urban planning na may pangmatagalang solusyon, seryosong kampanya laban sa basura, at matibay na flood control projects. Kung hindi kikilos ngayon, baka dumating ang panahon na wala nang matitirang “ligtas na lugar” sa bansa.
- Latest















