Extradition request ng US kay Quiboloy, pinag-aaralan pa

MANILA, Philippines — Patuloy na binubusisi ng Department of Justice (DOJ) ang mga dokumento kaugnay ng hirit na extradition ng Estados Unidos kay Pastor Apollo Quiboloy.
Ito ang tugon ni Palace Press officer Undersecretary Claire Castro matapos tanungin kung may desisyon na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa extradition request ng Estados Unidos kay Quiboloy.
Ayon kay Castro, hindi pa tapos ang DOJ na pag-aralan ang bultu-bultong dokumento na naipasa sa kanila. Kasama aniya sa sinusuri ng ahensya ang identity o kung mismong si Quiboloy ang hinihiling na ma-extradite.
Gayundin kung may double criminality o kung ang mga krimeng kinakaharap nito sa US ay kasama rin sa mga krimeng pinapatawan ng parusa sa Pilipinas.
Una nang sinabi ng Palasyo na malalaman “in a couple of weeks” ang desisyon ng Pangulo sa extradition request pagkatapos dumaan sa prosesong naaayon sa batas.
- Latest
























