Batas vs pangha-harass ng mga nangutang, muling isinusulong

MANILA, Philippines — Inihain ulit ni Sen. Sherwin Gatchalian ang panukalang batas na magbabawal ang pananakot, pangha-harass, at pagpapahiya sa mga Pilipinong umutang—lalo na sa mga inaasintahang biktima ng ilang abusadong online lending apps.
Pasok sa mga priority bill ni Gatchalian sa ika-20 Kongreso ang Fair Debt Collection Practices Act, na layong protektahan ang mga umutang mula sa mapang-abusong paniningil.
Kwento niya, may isa siyang constituent sa Valenzuela na nagpakamatay matapos ang tuluy-tuloy na pambubulabog at pananakot umano ng isang online lending company—hindi lang sa kanya kundi pati sa kanyang pamilya.
“Hindi makatao ang maningil ng utang gamit ang pananakot at pang-aabuso, lalo na sa mga kababayan nating salat sa buhay na napipilitang mangutang para lang mabuhay,” sabi ni Gatchalian sa Ingles.
Bawal na ang public shaming at pagbabanta. Kapag naging batas, ipagbabawal ang paggamit ng pagbabanta, pagmumura o mahalay na pananalita, at pagbubunyag ng personal na impormasyon ng umutang para lamang mapilit silang magbayad.
Ang mga lalabag ay maaaring pagmultahin ng hanggang P60,000.
Matagal nang may mga sumbong laban sa ilang lending apps na ginagamit ang kahihiyan bilang sandata sa paniningil—madalas pa sa social media o group chat. Noong 2021 pa lang, binalaan na ng Department of Justice ang publiko laban sa mga nagpapautang na gumagamit ng doxing, pananakot, at public shaming.
Sabi ng DOJ, puwedeng kasuhan ang mga ito sa ilalim ng mga umiiral na batas gaya ng Cybercrime Prevention Act at Data Privacy Act.
Mula Abril hanggang Mayo lang ngayong taon, nakatanggap ang Presidential Anti-Organized Crime Commission ng mahigit 13,000 reklamo laban sa abusadong online lending apps.
Hindi rin nakapagtatakang marami ang naaapektuhan: Ayon sa isang pag-aaral ng Digido nitong Mayo 2025, gumugol ng 1.54 bilyong segundo ang mga Pilipino sa paggamit ng digital lending platforms noong 2024—16% na mas mataas kumpara sa nakaraang taon.
Unang inihain ni Gatchalian ang panukala noong 2022 sa ilalim ng Senate Bill 818, pero hindi ito umusad sa komite. — Mula sa ulat ni Cristina Chi
- Latest


















