Mary Jane Veloso pinag-iinitan ng mga ka-selda

MANILA, Philippines — Nababahala ang mga kaanak ni Mary Jane Veloso dahil sa umano’y napag-iinitan ito ng mga kasama sa selda sa Correctional Institution for Women (CIW).
Ito’y matapos bisitahin sa ikatlong pagkakataon noong Sabado ng mga kamag-anak si Veloso sa CIW, sa Mandaluyong City.
Hindi man umano pisikalan, nakakaranas ng mga patutsada mula sa mga kapwa bilanggo si Mary Jane at duda sa posibilidad na ang mga dating nakasama ng kaniyang trafficker sa selda ang mga ka-selda niya ngayon.
“Nag-aalala po kami sa kaniya, sa buhay niya..hindi po sa kalusugan niya, sa buhay niya,” ani Marytess Veloso Laurente, kapatid ni Mary Jane nang kapanayamin ng Frontline Pilipinas.
“Kasi mukhang pinag-iinitan daw siya ng mga ka-cellmate niya. Kasi diba dati solo, solo na cell siya, ngayon she was transferred sa isang malaking cell at marami siyang mga kasama doon sa cell,” sa panig naman ni Josefina Pingkihan, Deputy Secretary General ng Migrante.
Nag-aalala umano si Mary Jane na baka nahalo siya sa ilang inmate na nakasama ng dating inmate na kaniyang illegal recruiter.
“Suspetsa niya nga baka ‘yun ‘yung mga nakasama ni Cristina dati... ‘yun ‘yung kaniyang trafficker,” ani pa ni Pingkihan.
Dahil dito, nanawagan muli kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang kapatid na si Marytess: “Mr. President palayain niyo na po ‘yung kapatid ko. Binigay naman na po ng Indonesian government sa mga kamay niyo ang desisyon, Sana po pakawalan niyo na po ang kapatid ko..Parang awa niyo na po.”
Matatandaan na Disyembre 18, 2024 nang makabalik sa bansa si Mary Jane matapos pagbigyan ng Indonesian govt ang pakiusap ni Pangulong Marcos na maikustodiya ito ng Pilipinas pagkatapos makulong doon ng 14 na taon at mahatulan ng bitay kaugnay sa pagbitbit ng iligal na droga.
- Latest