Grupo ng manggagawa hinirit P150 across-the-board wage hike
MANILA, Philippines — Humirit ang grupo ng mga manggagawa na ipasa ang panukalang P150 across-the-board na pagtaas sa sahod.
Ayon sa National Wage Coalition, dapat na maipasa ang P150 taas sa sahod dahil hindi sapat ang P35 na dagdag-sahod na ibinigay sa mga minimum wage earner sa National Capital Region.
Anila, patunay lang na walang silbi ang mga Regional Wage Board, na siyang nagtatakda ng pag-umento sa sahod batay sa konsultasyon sa mga employer at manggagawa at sa socioeconomic na kalagayan sa mga rehiyon.
“For 35 years, naging mekanismo para sa pambabarat sa sahod. Kung anu-anong dahilan ang sinasabi kapag wage increase ang hinihingi namin,” ni Jerome Adonis, secretary general ng Kilusang Mayo Uno.
Giit nila sa Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr na sertipikahang urgent ang mga panukalang batas na nagsusulong ng across-the-board wage increase sa buong bansa.
Ang panawagan ay isinagawa nitong Lunes, sa tinawag nilang National Week of Action na tatagal hanggang Biyernes.
Kabilang din sa National Wage Coalition ang Trade Union Congress of the Philippines, Bukluran ng Manggagawang Pilipino at ang Nagkaisa Labor Coalition.
Kinumpirma nilang sila ay magsasagawa ng kilos protesta sa araw ng SONA sa darating na Lunes, Hulyo 22.
- Latest