Senado gagastos ng P400 milyong sa renta kung maaantala New Senate bldg. — Binay
MANILA, Philippines — Inihayag ni Senador Maria Lourdes Nancy Binay na gagastos pa ang Senado ng humigit-kumulang P400-milyon sa upa kung maaantala pa ang pagtatayo ng kanilang bagong gusali.
Ginawa ni Binay ang pahayag kasabay ng hamon kay Sen. Alan Peter Cayetano, na namumuno ngayon sa Senate Committee on Accounts, na talakayin ang mga isyu sa New Senate Building (NSB).
“Hindi ako natatakot sa issue na irregular dahil noong tayo ay nagtatrabaho para diyan sa building na iyan, talagang iyan ang binabantayan ko at ng aking staff na matayo ng tama ito,” ani Binay.
Mas magiging magastos aniya kung tatagal pa ang paglipat ng mga senador sa bagong gusali.
“Mas concern ko pa talaga ay ‘yung delay sa pagtatapos ng building kasi para sa akin ‘yun ang aksaya dahil kung papatagalin pa natin ang paglipat ng senado sa bagong building ibig sabihin nyan magbabayad nanaman kami ng 400 million na renta sa GSIS among others,” ani Binay.
Inihalimbawa pa ni Binay ang pagkasira ng aircon sa kasalukuyang building ng Senado na kailangang gastusan.
“Di ba ilang linggo nasira ang aircon sa building so parang for me waste of money na bibili tayo ng equipment sa GSIS when hindi ba dapat mas pinaghahandaan na natin at ang pondo ay binubuhos natin sa bagong building,” ani Binay.
Sa kasalukuyan, inookupahan ng Senado ang isang bahagi ng gusali ng GSIS sa kahabaan ng Diokno Boulevard sa Pasay City.
Sinabi rin ni Binay na nais din niyang magsagawa ng public meeting kay Cayetano upang talakayin ang isyu sa NSB.
Balak ding imbitahan ni Binay si dating Sen. Panfilo “Ping” Lacson sa pagpupulong para makapagbigay ng linaw kina Senate President Francis “Chiz” Escudero at Cayetano tungkol sa bagong gusali ng Senado.
Nauna nang ikinalungkot ni Binay na ipinahihiwatig nina Escudero at Cayetano na may mga iregularidad sa pagtatayo ng proyekto.
- Latest