Pinas iaapela extradition vs Teves

MANILA, Philippines — Iaapela ng gobyerno ng Pilipinas sa Court of Appeals ng Timor Leste ang pagkakabasura ng extradition request ni dating congressman Arnolfo Teves Jr.
Sinabi ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro, na ipinauubaya na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Department of Justice (DOJ) kung ano ang dapat gawin para mapauwi sa Pilipinas si Teves.
Giit pa ni Castro, ikinagulat ng DOJ ang naging sagot ng korte sa Timor Leste dahil ginawa naman ng gobyerno ang lahat at naibigay ang mga ebidensya at records para sa hinihiling na extradition.
Nagtataka rin aniya ang gobyerno dahil dalawang beses na naibigay ang hiling na extradition at nang umapela ang kampo ni Teves ay nabaligtad ang sitwasyon.
Sa pamamagitan din aniya ng isasampang apela, ipapakita ng gobyerno kung bakit dapat maibigay ang extradition kay Teves.
Inamin naman ni Castro na malaki ang epekto sa mga biktima ni Teves ang pagtanggi ng Timor Leste sa extradition kaya gagawin ng gobyerno ang lahat ng paraan upang mapabalik sa bansa si Teves at mabigyan ng hustisya ang mga biktima nito.
Matatandaan na si Teves ay nahaharap sa kasong multiple counts ng murder sa korte sa Pilipinas kaugnay sa pagkamatay ni Negros Oriental Governor Roel Degamo noong March 2023.
- Latest