Pagtaas ng mga aksidente sa kalsada, ikinabahala
MANILA, Philippines — Dahil nakakaalarma na ang pagtaas ng mga sakuna sa kalsada, iginiit ni Senator Grace Poe na panahon na upang magkaroon ng batas para mabuo ang isang transportation safety body.
Sa Senate Bill 1121 o panukalang pagbuo ng Philippine Transportation Safety Board (PTSB), sinabi ni Poe na hindi na katanggap-tanggap ang pagtaas ng bilang ng mga aksidente sa mga lansangan.
“Lives are lost and injuries are sustained daily by motorists for reasons that could have been prevented in the first place. This is simply unacceptable,” ani Poe.
Sinabi ni Poe na nakababahala ang istatistika ng mga aksidente at dapat magpatupad ng mga proactive na hakbang upang mabawasan kung hindi man tuluyang masugpo ang mga aksidente.
Layun ng iminungkahing PTSB na magtatag ng nag-iisang ahensya na namamahala sa pagsisiyasat sa mga aksidente at insidente na nauugnay sa transportasyon sa himpapawid, lupa, at dagat, kabilang ang mga railway at pipeline system.
Ang panukala ay sasakupin ang mahigpit na inspeksyon ng mga pampublikong sasakyan, lisensya sa pagmamaneho at pagsasanay, at mga hakbang sa kaligtasan upang maiwasan ang mga aksidente sa kalsada.
Nauna nang iniulat ng MMDA na mula Enero-Nobyembre 2024 lamang, umabot na sa 62,723 ang aksidente sa kalsada, 332 ang nasawi.
Karamihan ay kinasasangkutan ng mga sasakyang may apat na gulong na sinusundan ng mga motorsiklo at trak.
- Latest