Bong Go: 2023 calamity funds dagdagan
MANILA, Philippines — Suportado ni Senator Christopher “Bong” Go ang panukalang dagdagan ang national calamity fund para sa taong 2023 dahil sa mga nagdaang kalamidad na tumama sa bansa.
Sa isang pahayag, sinabi ni Go na wala siyang tutol na dagdagan ang calamity funds sa pagsasabing tungkulin ng gobyerno na agad tulungan ang mga naapektuhan ng iba’t ibang kalamidad upang agad silang makabangon.
“Susuportahan ko ang pagdagdag sa calamity funds for 2023. Wala akong pagtutol dyan dahil tungkulin natin na matulungan kaagad ang mga tinamaan ng iba’t ibang kalamidad para sila ay makabangon kaagad muli,” sabi ni Go.
Iginiit ng senador, gayunpaman, ang pangangailangang tiyaking magagamit kaagad at naaangkop ang calamity fund. Idinagdag niya na ang mga pondong pang-emergency ay mas epektibong magagamit kung mayroong isang departamento na nakatuon sa pamamahala ng mga programa pagdating sa mga pagsisikap sa pagtulong, pagbangon at rehabilitasyon.
Muling iginiit ni Go ang kanyang panawagan para sa pagpasa ng Senate Bill No. 188 o panukala niyang Department Disaster Resilience Act na naglalayong magtatag ng isang ahensya na tututok sa pagpapatupad ng mabilis na hakbang ng gobyerno sa pagtugon sa kalamidad at kaugnay na mga pangyayari.
- Latest