LTFRB aaralin 'surge fee' sa pamasahe ng jeep, bus tuwing rush hour
MANILA, Philippines — Pag-aaralan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang petisyon ng ilang transport groups na magpatupad ng "surge pricing" sa pamasahe ng mga jeep at bus tuwing rush hour at peak hours bilang tugon sa pagtaas ng presyo ng langis.
Ito ang sinabi ng board, Martes, matapos magpetisyon ang ilang grupo ng dagdag na P1 na pamasahe sa mga jeep (tradisyunal at moderno) sa ibabaw ng minimum fare tuwing peak hours ng 5-8 a.m. at 4-8 p.m. Hiling din ang dagdag na P2 para sa mga bus.
"Base sa petisyon, hiling ng transport groups na lagyan ng dagdag-pasahe sa kada kilometrong biyahe tuwing rush hour o peak hours. Ang sinumiteng petisyon ay kasunod ng patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo," ayon sa LTFRB sa isang pahayag kanina.
Ang naturang surge pricing ay kamukha ng ipinatutupad na dagdag pamasahe ng mga ride-hailing apps tuwing masikip ang daloy ng trapiko habang nasa peak hours ang mga kalsada.
"Nauunawaan ng pamunuan ng LTFRB ang hinaing ng mga drayber at mga operator na itaas muli ang pamasahe dulot nang patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo."
According to the petition, the transport groups are requesting for an additional rate of P1 for jeepneys (both traditional and modern), and P2 for buses, on top of the minimum fare, during the rush hour periods of 5-8 a.m. and 4-8 p.m. @PhilippineStar @onenewsph
— Marc Jayson Cayabyab (@mjaysoncayabyab) October 18, 2022
Kasama sa mga grupong humihiling ng surge fee ang grupong Pasang Masda, Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines (ALTODAP) at Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO). Nitong Biyernes lang nang matanggap ng LTFRB ang petisyon.
"Bukod diyan, naiintindihan din ng LTFRB ang panawagan ng mga komyuter na ang muling pagtaas ng pamasahe ay lalong magpapahirap sa pang-araw araw na gastusin," sabi pa ng board.
"Bagamat magkakaroon ito ng inflationary effect sa ekonomiya ng bansa, isinasantabi muna ito ng ahensya upang mahimay ang mga puntong inilatag ng transport groups sa naturang petisyon."
"Patuloy ang LTFRB sa pag-aaral ng mga petisyong inihahain sa ahensya at iba pang mga polisiya para sa kapakanan ng mga driver, operator, at mga pasahero."
Kasalukuyang nasa P12 ang minimum na pamasahe sa tradisyunal na jeep habang P14 naman ang minimum na singil sa mga modernong jeep.
Samantala, nagpatupad naman ng dagdag pa P2 uniform base fare increase para sa mga city at provincial buses para sa unang limang kilometro, na siyang may P0.35 hanggang P0.50 na increase sa mga susunod na kilometro depende sa klase ng bus.
Itinutulak ang naturang surge sa pamasahe kahit na sumampa na sa 6.9% ang inflation rate nitong Setyembre, ang pinakamataas simula pa noong Oktubre 2018 kung kailan kasing-bilis ang pagtaas ng presyo ng bilihin.
Una nang sinabi ng mga kumpanya ng langis na magmamahal ng P0.80/litro ang presyo ng gasolina, P2.7/litro ang presyo diesel habang P2.90/litro naman ang presyo kerosene simula ngayong araw. — may mga ulat mula kay The STAR/Marc Jayson Cayabyab
- Latest
- Trending