6 rehiyon pinaghahanda vs pagyanig, tsunami
MANILA, Philippines — Bagama’t bumaba na ang bilang ng mga naitalang pagyanig sa Manila Trench, pinaghahanda pa rin ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga local government units (LGUs) mula sa anim na rehiyon laban sa anumang posibilidad ng pagyanig at tsunami.
Ang mga rehiyon ay kinabibilangan ng Region I, (Ilocos); Region II, (Cagayan Valley); Region III,(Central Luzon); Region IV-A, (Calabarzon), Region IV-B, Mimaropa at National Capital Region (NCR).
Nabatid na ilang araw bago ang Pasko, inulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na nakapagtala sila ng 55 earthquakes off mula sa baybayin ng Ilocos Sur hanggang Manila Trench na pinangangambahang magdulot ng high-magnitude earthquakes. Subalit nitong Disyembre 24 at 25 isang pagyanig lamang ang naitala.
Ayon sa DILG, inabisuhan na nila ang local chief executives (LCEs) na maglatag ng mga paghahanda sa posibleng intensification pa rin ng earthquake sequence sa Manila Trench.
Pinatutukoy na rin ang mga evacuation routes, directional signs, at safe zones para sa at-risk communities, at gayundin ang mga response teams.
Pinatitiyak ding may naka-preposition nang sapat na pagkain, temporary shelters, at debris-clearing equipment.
Maging ang publiko ay inalerto na rin lalo ang mga nakatira sa coastal communities, para agad na matukoy kung may banta ng tsunami.
Pinayuhan din ang LGUs na aktibong makipag-ugnayan sa regional at provincial DRRMCs, Phivolcs, para sa risk assessments, at public awareness campaigns.
- Latest