ALAMIN: Ilang epekto sa Pilipinas ng Russian invasion ng Ukraine
MANILA, Philippines — Halos 9,000 kilometro ang layo ng bansang Ukraine sa Pilipinas, pero ang mga epekto ng pananakop sa kanila ngayon ng bansang Russia, dikit sa bituka nang maraming Pilipino.
Aabot na sa 137 ang patay matapos ang unang araw ng "full-scale" ground invasion at air assault nina Russian President Vladimir Putin sa ilang lungsod sa Ukraine, dahilan para ma-displace ang higit 100,000 katao.
Pero ano bang pakialam ng Pilipinas diyan? May epekto ba 'yan dito? Sa maiksing sabi, marami.
380 Pinoy naiipit sa Ukraine
Daan-daang Pilipino't overseas Filipino workers (OFWs) ang kasalukuyang nakatira at nagtratrabaho sa bansang Ukraine, bagay na bahagi ng halos 2.2 milyong Pinoy na kumakayod sa ibayong dagat.
Sa pagtataya ng Department of Foreign Affairs (DFA) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), aabot sa 380 manggagawang Pilipino ang nasa Ukraine batay sa records ng gobyerno.
Sa ibang pahayag naman ng DFA, sinasabing 181 Filipino nationals naman ang na-account sa Ukraine — karamihan sa kanila nasa kabisera nitong Kyiv (Kiev).
#TedFailonandDJChaCha | Balot na ng takot ang maraming residente sa capital city ng Ukraine na Kyiv dahil sa pagsalakay ng Russia. pic.twitter.com/GbFm4IG0KH
— News5 (@News5PH) February 25, 2022
Ayon kay OWWA administrator Hans leo Cacdac sa panayam ng Teleradyo, 100 sa 380 Pilipino na ang humihingi ng saklolo sa ngayon sa nasabing bansa.
Ilang Pinoy na ang lumilikas mula sa nasabing lungsod simula nang muling uminit ang tensyon sa dalawang bansa ngayong taon. Ang ilan sa kanila, nai-repatriate na pabalik ng Pilipinas.
Kasalukuyang tinatanggap ng bansang Poland, na katabi ng Ukraine, ang mga Pinoy na lumilikas mula sa gulo sa naturang bansa.
Pagtaas ng presyo ng langis, bilihin
Miyerkules lang nang sabihin ng debt watcher na Moody’s Investors Service managing director Michael Taylor na posibleng makatikim ng price shocks at trade disruption ang Asia-Pacific Region, gaya ng Pilipinas, kaugnay ng bakbakang Ukraine-Russia.
"The global price of oil and liquified natural gas (LNG) is likely to rise sharply in the event of a conflict, which will be positive for the relatively few exporters in the Asia-Pacific region and negative for the substantially greater number of net energy importers," ayon sa Moody's. Net oil importer ang Pilpinas.
Una nang sinabi ng Bangko Sentral ng Pilipinas na pwedeng palalain ng Ukranian crisis ang ang pagtaas ng natural gas prices, bagay na maaaring magpataas ng oil prices sa pag-switch ng consumers sa langis.
Sa kasaysayan, tumataas ang presyo ng bilihin gaya ng pagkain sa tuwing nagmamahal ang presyo ng langis. Ginagamit kasi ito para i-transport ang mga produkto sa iba't ibang bahagi ng Pilipinas.
Nangyayari ang krisis ngayong ika-8 diretsong linggo nang tumataas ang presyo ng langis sa Pilipinas, dahilan para manawagan na ang ilang grupo't mambabatas na isuspindi na ang excise tax sa langis.
Habang nangyayari ang Russian invasion ng Ukraine, tumaas ng lagpas 6% ang presyo ng langis dahilan para tumulak ang Brent crude oil lagpas $100.
Pag-ahon ng ekonomiya babagal sa gitna ng COVID-19
Pangamba nina University of Asia and the Pacific (UA&P) Senior Economist Cid L. Terosa, maaaring matakot ng nasabing krisis ang mga mamumuhunan (investors) at umalis sa mga developing nations gaya ng Pilipinas, at sa halip magtungo na lang sa mga mayayamang bansa bilang pag-iingat.
"In times of crisis, capital moves away from developing countries to developed countries that are perceived to be safer havens for capital investments," ani Terosa.
"This means that developing countries like the Philippines will most probably lose potential investments simply because foreign investors would like to be more cautious with their investments."
Ayon naman kay Rizal Commercial Banking Corp. Chief Economist Michael L. Ricafort, mapapabagal din ng mas mataas na inflation ang economic recovery lalo na't bababa ang purchasing power ng piso sa pagtaas ng gastos ng mga tao sa langis at mga produkto.
Malaki ang tama ng COVID-19 lockdowns sa ekonomiya ng Pilipinas matapos magsara ang napakaraming establisyamento't negosyo habang pagbawalan ang napakaraming aktibidad.
Bumagsak din ng ilang porsyento ang Philippine Stock Exchange index nitong nakaraan matapos ang sakupan.
Diplomatikong krisis?
Parehong may diplomatic relations ang Pilipinas sa Ukraine at Russia. Pero sa gitna ng nangyayaring pananakop ng Moscow, mananatiling "neutral" o walang papanigan ang Maynila "sa ngayon."
Kilalang nakikipagkaibigan si Pangulong Rodrigo Duterte kay Putin habang tumatangging maglabas ng pagkundena ang Pilipinas laban sa Russia. Ito ay kahit na binanatan na ng Japan, Taiwan, atbp. ang Moscow ngayong araw.
"Wala naman tayong pakialam sa Europe kung ano ang ginagawa nila doon, hindi naman tayo katabi ng Ukraine. Yung mga bansang karatig, nagpapahayag ng suporta sa Ukraine. Tayo neutral muna tayo ngayon," sabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana sa ulat ng CNN Philippines.
Kumpiyansa naman si Lorenzana na madadamay ang Pilipinas sa naturang gera, ngunit meron naman daw plano ang Armed Forces of the Philippines kung sakaling magkagulo.
Una nang nagpataw ng sanctions sa Russia and Estados Unidos, na kilalang kaalyado ng Pilipinas. Paglilinaw pa ni Lorenzana, tuloy pa rin ang pagbili ng Pilipinas sa Russia ng 16 lift choppers sa ngayon.
Kultura ng sakupan sa ika-21 siglo
Matagal nang lumalayo ang kalakhan ng mundo sa direktang pananakop habang tinutungo naman nang marami ang direksyon ng decolonization.
Bagama't matagal nang iginigiit ng mga progresibong grupo na "indirect colony" pa rin ng Estados Unidos o Tsina ang Pilipinas sa pamamagitan ng imperyalismo, Dekada '40 pa huling direktang naging kolonya ang Pilipinas.
Sa kasalukuyan, direktang nakikipag-agawan ang Pilipinas sa Tsina sa ilang mga isla't katubigan sa West Philippine Sea habang inookupa ng Beijing ang ilan sa mga ito.
Hindi pa klaro kung may magiging epekto ang pananakop ng Russia para umaksyon ang iba pang mga bansa laban sa iba pa.
Matatandaang dating magkasama ang Ukraine at Russia sa ilalim ng iisang bandila ng United Socialist Soviet Republic (U.S.S.R), bagay na bumagsak noong 1991 sa panunumbalik ng kapitalismo roon.
- Latest