Misis ni Ronald Cardema iproproklamang Duterte Youth lawmaker 'this week'
MANILA, Philippines — Gagawin daw ng Commission on Elections ang makakaya nito upang mapabilis ang paglalabas ng "certificate of proclamation" para sa magiging kinatawan ng Duterte Youth party-list sa Kamara — bagay na inabot ng siyam-siyam kahit nanalo sila sa nakaraang 2019 midterm elections.
Ito ang pahayag ni Comelec chairperson Sheriff Abas, Huwebes, sa isinagawang pagdinig ng Kamara para sa proposed budget ng komisyon para sa taong 2021.
"[M]eron nang apat na nakapirma diyan. So hopefully makaka-release kami ng certificate of proclamation within the week," sambit ni Abas.
"Just two weeks ago... We granted 'yung pag-isyu ng certificate of proclamation to the party-list of Duterte Youth with the name Ducielle Cardema as their representative — finally."
Mahigit-kumulang 15 buwan na simula nang manalo ang Duterte Youth party-list — isang right-wing "youth" group — sa nakaraang halalan matapos magtamasa ng 354,629 boto.
Gayunpaman, hindi wala pa rin napapaupong representante sa Konggreso ang naturang "youth group" dahil sa isang pundamental na isyu — masyado nang gurang ang noo'y first nominee nila na si Ronald Cardema.
Sa ilalim kasi ng Section 9 ng Republic Act 7941 o "Party-List System Act," dapat edad 25 hanggang 30 ang mga nominado para katawanin ang sektor ng kabataan. Si Ronald ay 34-anyos na noon, maliban pa sa edad 31 hanggang 36 at tatlo sa kanilang original na mga nominado.
Swak naman sa age requirement na hinihingi ng batas si Ducielle Cardema, dahilan para mag-antay na lamang ng certificate of proclamation matapos aprubahan ang ikalawang substitution ng nominees ng nasabing grupo.
Inihayag ni Abas ang naturang update sa kanilang estado matapos gisahin ni Rep. Paul Ruiz Daza, Vice Chairman ng Committee on Appropriations.
"[It's] very unfair and unjust," wika ni Daza pagdating sa mapait na sinapit diumano ng kontra-aktibistang samahan.
"That has deprived the youth of a voice and vote in Congress."
Aniya, kung mabilis lang itong inasikaso ng Comelec ay nadagdagan pa ang youth representation sa House of Representatives. Sa ngayon kasi, tanging ang Kabataan party-list ang boses ng youth sector sa Konggreso — grupong kaaway ng Duterte Youth dahil diumano sa kaugnayan nila sa mga "komunista."
Nagbanta naman si Daza na iipitin nila ang pondo ng Comelec oras na hindi nila ilabas ang certificate of proclamation ng Duterte Youth party-list.
"If there's no assurance [of its timely release]... I've been asked by many members [of the House] and even by myself to consider exercising our right to defer the budget of Comelec," pananakot ng mambabatas.
'Pagpupumilit ni Cardema magka-posisyon nagpatagal'
Sa kabila ng pananabon ni Daza dahil sa "kakuparan" komisyon, ipinaliwanag ni Abas na malaking salik sa mga nangyaring delays ay ang matinding kagustuhan ni Ronald Cardema na makasungkit ng upuan sa Kamara.
"[T]he delay is not on our part. Kung titignan niyo po, kung tutuusin matagal na sanang nakaupo 'yung representative ng Duterte Youth," diretsong sagot ng Comelec official sa nanggagalaiting si Daza.
"The problem is nagkaroon ng substitution, nagkaroon ng kaso. Si Ronald Cardema hinintay niya din 'yung kaso. Hinintay niya hanggang En Banc kasi at that time, gustong-gusto niya siya ang uupo. But unfortunately, na-disqualify po siya."
Paliwanag pa ni Abas, inaprubahan nila ang sari-saring substitution ng party-list group kahit na si Ducielle naman talaga ang original na number one nominee.
Sa paglaon ng panahon, biglang naghain ng "substitution" ang Duterte Youth, dahilan para palitan si Ducielle ng kanyang mister sampu ng panibagong roster ng nominees. Pare-parehong over-age ang second set nila ng nominado.
"Una, ang first nominee ay si Ducielle Cardema, then nag-substitute si Ronald, and then we denied [it]," banggit ni Abas.
"Dinisqualify namin si Ronald. It's because of his age. And then nagkaroon ng withdrawal and substitution again para maging first nominee [sa pangalang pagkakataon] si Duciel Cardema."
Pagkundena ng mga progresibo
Kinastigo naman ng Student Christian Movement of the Philippines (SCMP) ang naturang desisyo, lalo na't hindi naman daw talaga nila dadalhin ng Duterte Youth ang tunay na interes ng kabataan.
Aniya, magiging sunud-sunuran lang daw ang grupo sa anumang polisiyang nais itulak ni Pangulong Rodrigo Duterte, kahit na ito'y mapaniil.
"Naniniwala ang [SCMP] na ang hindi rehistradong Duterte Youth Partylist ay hindi wasto ang pagrerepresenta sa kabataan," wika ng grupo.
"[Lalo] lang madadagdagan ang ang mga tuta ng pasistang rehimen na ito."
[BREAKING] Nakatakda ngayong linggo na makakakuha ng certificate of proclamation ang Duterte Youth Partylist. Ang...
Posted by Student Christian Movement of the Philippines on Thursday, September 24, 2020
Samantala, kwinestyon naman ng Youth Act Now Against Tyranny ang mga hindi pa resolbadong kasong nakasampa sa Comelec hinggil sa kanilang pagiging rehistradong partylist.
Aniya, hindi raw nagawa ng Duterte Youth na mapunan ang lahat ng mga kinakailang rekisitos para makatakbo sa eleksyon at maging rehistrado.
"Ang pagpayag ng COMELEC na tumakbo ang Duterte Youth noong nakaraang eleksyon ay isa nang malaking iregularidad. Kung ipoproklama ng COMELEC ang Duterte Youth, ito ay magiging ilegal at labag sa saligang batas," banggit pa nila.
"Hindi papayag ang mga kabataan na iproklama ang Duterte Youth at maging representante ito ng mga kabataan sa kahit anumang institusyon sa bansa."
Paratang nila, pilit lang daw na kumakapit ang nasabing grupo sa mga makakapangyarihang pulitika upang mabigyan ng pwesto sa pamahalaan.
Sa ngayon, mainam daw na tumindig ang sektor ng kabataan sa panig "tama, maging patas, at kilalanin ang saligang batas ng bansa."
- Latest