Pinalayang convicts ibalik sa Bilibid - Palasyo
MANILA, Philippines — Dapat ibalik sa National Bilibid Prison ang mga pinalayang preso na convicted sa heinous crime.
Sinabi ito ng Malacañang matapos mapaulat na halos 2,000 bilanggo sa NBP ang nakinabang sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) Law kabilang ang ilang drug lords.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo sa media briefing sa Beijing, malinaw ang batas ukol sa GCTA na hindi kasama rito ang mga nahatulan sa karumal-dumal na krimen.
“Obviously, dapat makabalik sila sa kulungan until they serve the full term of their service,” sabi ni Panelo.
Batay sa datos ng Bureau of Corrections, lumitaw na sa 22,049 persons deprived of liberty (PDL) o preso na nakalaya na mula 2014 hanggang 2019 dahil sa GCTA, 1,914 sa kanila ang nahatulan dahil sa nagawa nilang karumal-dumal na krimen tulad ng pagpatay at panghahalay.
Sa mga nahatulan dahil sa heinous crime, 797 ang sangkot sa pagpatay, 758 sa rape, 274 sa robbery with violence or intimidation, 48 sa droga, 29 sa parricide o pagpatay ng kaanak, lima sa kidnapping with illegal detention, at tatlo sa arson.
Sabi ni Panelo, batay sa batas ay hindi dapat kasamang pinalaya ang mga preso na nakagawa muli ng krimen, habitual delinquents, escapees at nakagawa ng heinous crime.
Magugunitang inutos kamakailan ni Pangulong Duterte na huwag palayain si ex-Calauan mayor Antonio Sanchez dahil convicted ito sa rape-slay case ng UP students na sina Eileen Sarmenta at Allan Gomez noong 1993.
- Latest