National ID aprub na rin sa House
MANILA, Philippines — Niratipikahan na ng Kamara ang Philippine Identification System Act o mas kilala bilang National ID system.
Dahil dito kaya inaasahang agad na ipapadala ito sa Malakanyang para mapirmahan ni Pangulong Duterte para ganap na maging batas.
Ang Philippine Identification Act ay makakatulong umano para maging seamless ang delivery ng serbisyo sa publiko, mas magiging maayos ang administrative governance, makakabawas sa katiwalian at Bureaucratic red tape, makakatulong para masawata ang mga iligal na transaksyon at mapapabilis pa ang proseso ng transaksyon sa mga ahensiya o sangay ng gobyerno.
Sa sandaling maging batas, agad na tatrabahuhin ng gobyerno na palitan ng iisang ID na lamang ang iba’t ibang identification card na hawak ngayon ng mga Pilipino.
Maipapaloob sa national ID ang buong pangalan, kasarian, blood types, petsa at lugar ng kapanganakan, status, address at litrato.
Gayundin ang mobile number, email address, biometric data tulad ng full set ng fingerprints at iris scan.
Ang bawat mamamayan kasama pati ang mga dayuhan dito na naninirahan ay kailangang magparehistro ng personal sa accredited registration centers.
- Latest