‘Social media history’ kailangan na sa US visa
MANILA, Philippines — Kung maaaprubahan, posibleng maging isa na sa requirements para makakuha ng United States Visa ang mga datos sa social media ng isang aplikante.
Sa plano ng US States Department, ipatutupad ito sa lahat ng ‘immigrant o non-immigrant applicants’. Magiging bahagi ito ng ‘background check’ ng Estados Unidos upang makatiyak na hindi mapanganib ang sinuman na papasok sa kanilang bansa.
Nabatid na magpapakita ng listahan ng mga ‘social media platforms’ ang US Embassies sa iba’t ibang bansa at tutukuyin ng aplikante ang mga ginagamit nila sa loob ng limang taon.
Bukod sa social media, plano rin na isama sa pangangailangan ang ‘e-mail account’ at mga ginamit na telepono ng isang aplikante sa loob ng nakalipas na limang taon at maging kung anong mga bansa ang binisita.
Mangangalap pa naman ng komento ang US States Department sa iba’t ibang sektor sa loob ng 60 araw bago aprubahan ang anumang pagbabago. Inaasahan na magkakaroon na ng resulta sa katapusan ng buwan ng Mayo.
Nabatid na noong nakaraang 2017 pa iminungkahin ng administrasyong Donald Trump ang pagbabago na bahagi ng tinatawag na ‘extreme vetting’ o masusing pagkilatis sa mga bibisita sa Estados Unidos ngunit naalarma ang mga ‘civil liberty groups’ sa naturang bansa.
Tinatayang nasa 14.7 milyong aplikante kada taon ang maaapektuhan ng posibleng maipasang panuntunan kabilang ang mga Pilipino na maraming kaanak sa naturang bansa.
- Latest