‘Pagbaligtad ni Lascañas demolition job’ – Palasyo
MANILA, Philippines - Tinawag ng Malacanang na bahagi ng demolition job laban kay Pangulong Rodrigo Duterte ang ginawang pagkumpirma ni dating SPO3 Arthur Lascañas sa Davao death squad (DDS) na sinasabing nagsagawa ng extrajudicial killing sa mga pinaghihinalaang sangkot sa ilegal na droga sa Davao City noong mayor pa sa siyudad ang Pangulo.
Ayon kay Presidential Communications Secretary Martin Andanar, ang pulong-balitaan na ipinatawag ng self-confessed hitman ay bahagi umano ng political drama na naglalayong sirain at mapatalsik sa puwesto ang Pangulo.
Sinabi pa ni Andanar na ang character assassination laban sa Pangulo ay bahagi ng masamang pulitika na isinusulong ng mga sektor na tinamaan umano ng reporma na isinusulong ng Duterte administration.
Ayon pa kay Andanar, ang Pangulo ay nilinis na ng Commission on Human Rights, Office of the Ombudsman, Senate Committee on Justice tungkol sa pagkakasangkot nito sa extrajudicial killings at DDS.
Idinagdag ni Andanar na hindi madali ang pagsusulong ng pagbabago pero hindi umano magpapa-apekto ang administrasyon sa paghahatid ng serbisyo sa mga mamamayan.
Sa isang pulong-balitaan kahapon, binawi kahapon ni retired Senior Police Officer 3 Arthur Lascañas ang naunang pahayag niya na hindi totoo ang Davao death squad at kinumpirma na isa siya sa mga pasimuno sa grupo na inuutusan ni dating Davao City Mayor at ngayon ay Pangulong Rodrigo Duterte na pumatay ng mga taong gumagawa ng krimen sa kanilang lungsod kaugnay sa ilegal na droga.
Humarap sa isang pulong balitaan sa Senado si Lascañas kasama ang mga abogado ng Free Legal Assistance Group (FLAG) sa pamumuno ni national chairman Jose Manuel Diokno.
Kinumpirma rin ni Lascañas na miyembro ng DDS si Edgar Matobato, ang testigong humarap noong isang taon sa imbestigasyon ng Senado tungkol sa DDS na umamin din na marami siyang napatay sa Davao City.
Sinabi pa ni Lascañas na personal ang ginagawang pag-uutos sa kanila ni Duterte at kadalasan ay binabayaran sila ng mula P20,000 hanggang P50,000 depende sa status ng target pero minsan ay umaabot rin ito sa P100,000.
Ikinuwento pa ni Lascañas na nagsimula ang DDS sa isang raid na isinagawa nila sa bahay ng isang nagngangalang Allan Tancho na pinaniniwalaang isang drug lord.
Sinabi ni Lascanas na wala silang nakuhang shabu sa bahay ni Tancho pero napatay nila ang katulong ng suspek at nag-iwan sila ng isang note na nagsasabing “huwag pamarisan” at salitang Davao death squad.
Ngdesisyon umano si Lascañas na magsabi ng katotohanan dahil sa pagmamahal sa bansa at sa kanyang konsensiya.
Nanawagan din si Lascañas sa mga dating kasamahan sa Philippine National Police na maging totoo sa kanilang tungkulin na magsilbi at protektahan ang mga mamamayan.
Samantala, kinumpirma rin ni Lascañas ang naunang pahayag Matobato na isa siya sa inutusan ni Duterte na bombahin ang mga mosque sa Davao City bilang ganti sa nangyaring pambobomba sa San Pedro Cathedral noong 1993.
Kinumpirma rin ni Lascañas na ang DDS ang nasa likod ng pagpatay sa isang pamilya kung saan nadamay ang isang bata na nasa apat o limang taong gulang.
- Latest