Mga menor de edad nasagip sa prostitusyon
MANILA, Philippines – Anim na biktima ng human trafficking kabilang ang 3 menor de edad at isang pipi’t bingi ang nailigtas ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) sa isinagawang entrapment operation sa Las Piñas City, kamakalawa.
Nabatid mula sa NBI-Anti-Human Trafficking Division na ibinubugaw ang mga biktimang pawang out-of-school youth sa kalye sa halagang P500 hanggang P1,500 o di kaya ay dinadala ito ng bugaw sa mismong kliyente kung saan magkikita tulad ng motel.
Naaresto ang isang buntis na ginang na sinasabing responsable sa pambubugaw sa isang lugar sa Zapote, Las Piñas City kamakalawa ng gabi.
Nagpanggap na customer ang ilang NBI agent na nakakuha ng babaeng menor de edad para sa panandaliang aliw.
Matapos mabayaran ang mga babae sa suspek ay dinakip ito at dinala sa NBI headquarters maging ang mga biktima na ilalagak sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Kasama ring inaalam pa ng NBI ang pakikipagsabwatan umano ng motel at apartelle na ginagamit o pinagdadalhan sa mga babaeng prostitutes. Sakaling mapatunayan na may alam ang management sa nasabing aktibidad maari rin sampahan ang may-ari nito at mga staff ng paglabag sa Republic Act 9208 o Anti-Human Trafficking Act.
- Latest