Pinay lumustay ng $3.3M, kulong ng 5 taon
MANILA, Philippines – Isang Pinay na inakusahang nangulimbat ng milyun-milyong dolyares sa isang law firm ang sinentensyahan ng federal judge ng limang taong pagkabilanggo sa kasong embezzlement sa Los Angeles, California, USA.
Ayon sa ulat, bukod sa pagkakakulong, inatasan din ng korte ang Pinay na si Esterlina “Lina” Santos, 53-anyos, na bayaran ang kanyang dating employer ng mahigit $3.3 milyon na kinulimbat umano nito.
Ang sentensya kay Santos ay magsisimulang ipatupad sa susunod na buwan.
Ayon sa korte, naganap ang pagnanakaw ng pera sa law firm mula 2004 hanggang 2010 nang tumatayo pang administrator at bookkeeper si Santos ng law offices ng Robert Smylie and Associates.
Ginamit umano ni Santos ang software upang magset-up ng mga payments direkta patungo sa personal na account nito.
Sa pahayag ng may-ari ng law firm na si Smylie, 67, nakapagpatayo pa ng isang bakery ang kanyang pinagkakatiwalaang office manager na si Carmen Salindong, at kanyang kapatid matapos ang palihim na pagnanakaw nila ng kanyang hipag na si Santos sa pera ng naturang kumpanya.
Ayon sa court records, nagsimula ang nasabing real estate law firm noong early 1990s at kasama ni Smylie si Salindong bilang office manager habang si Santos ang nagsisislbing bookkeeper.
Noong 1988, nagsimulang gamitin umano ni Salindong ang authority nito upang pumirma ng mga tseke na pambayad sa kanyang mga personal na credit cards at sa kanyang pamilya (extended family). Pinalsipika naman umano ni Santos ang mga hawak na books upang ang mga payments ay magmukhang mga lehitimo sa kanilang ginagastos at nakukulimbat.
Hindi sukat akalain ni Symlie ang sabwatan sa kanyang sariling firm at nadiskubre lamang ang pagnanakaw nang pabagsak na ang law firm hanggang sa maghirap ang una at mawalan ng tirahan habang ang kanyang anak ay hindi mai-enrol sa pribadong paaralan.
Samantalang si Salindong at kanyang kapatid na babae ay nagbukas ng isang bakery, naninirahan sa million-dollar Westchester home at nag-aaral sa isang elite all-school girls ang anak.
Nang umalis sa firm si Salindong, nagpatuloy si Santos sa kanyang trabaho bilang bookkeeper at humalili sa responsibilidad ni Salindong.
Dahil sa tip at tawag ng bank fraud investigator, kumuha si Smylie ng forensic accountant na siyang nag-conclude na nanakawan ang una ng may $5.7 milyon.
Una nang napatunayang guilty ng Los Angeles County Superior Court Judge sa pagnanakaw ng milyun-milyon si Salindong.
- Latest