Bgy. officials inireklamo ng vendors sa Ombudsman
MANILA, Philippines – Kinasuhan ng isang grupo ng mga vendor at biyahero ng palengke ng Q-Mart sa Ombdusman ang isang punong barangay ng Quezon City at mga tanod nito dahil sa umano’y pangingikil sa kanila.
Sa pinagsama-samang complaint affidavit nina Marilyn Almares, Mark Reil Comia, Hermogens Untalan at Larry Suares, kinasuhan nila si Marciano Buena Agua Jr., kapitan ng Barangay E. Rodriguez sa lungsod.
Kinasuhan din ang tauhan ni Agua na sina Traffic Ex-O Wilmer Peñaflor, Barangay Public Saftey Officer (BPSO) Joel Canonoy, Marlon Tadeo, at Ogie Pineda.
Base sa complaint affidavit, nitong Nobyembre 5, 2015, habang nagbababa ng kanilang mga kalakal na dalandan sa tabi ng palengke ang mga nagrereklamo, dumating ang grupo ni Tadeo sakay ng barangay service patrol vehicle.
Isa sa kasamahan ni Tadeo ang lumapit sa mga biyahero at hinihingan umano ng P300 ang bawat delivery trak dahil bawal o illegal daw ang magbaba ng mga kalakal sa lugar. Kung hindi umano sila magbibigay ay titiketan at ipapahatak ang kani-kanilang mga dyip o delivery truck. Nang tinanong ng grupo ng mangangalakal kung bakit sila hinihingihan, sinabi ng mga BPSO o tanod na utos raw ito ng kanilang Kapitan.
Samantala, tahasang itinanggi ni Kapitan Agua ang akusasyon. Wala umano siyang hinihingi sa mga ito, bagkus ay ipinag-utos anya niya na linisin ang mga nakahambalang na truck sa kalye na iligal na pumaparada malapit sa palengke at nagdudulot ng trapik sa ibang motorista.
Tinanggal na rin anya niya ang mga barangay tanod na sangkot sa nasabing pangongotong, dahil bago pa anya magsampa ng reklamo ang mga vendor ay mahigpit na niyang ipinag-utos ang paglilinis laban sa mga iligal sa lugar.
- Latest