Parak na nakapatay sa 2 holdaper sa bus, pinarangalan
MANILA, Philippines – Binigyang parangal ng PNP kahapon ang isa nilang tauhan na buong tapang na nakipagbarilan at nakapatay sa dalawa sa tatlong mga holdaper na nangholdap sa isang pampasaherong bus sa kahabaan ng North Luzon Expressway, kamakailan.
Ayon kay Chief Supt. Wilben Mayor, Spokesman ng PNP, si PO2 Ryan Cabansag ay tumanggap ng Medalya ng Kadakilaan (PNP heroism) medal sa ipinakita nitong kabayanihan sa pakikipagbarilan sa tatlong mga armadong holdaper noong Setyembre 13 ng taong ito.
Si Cabansag ay nakasakay sa pampasaherong bus na may lulang 38 pasahero kung saan kasama nito ang kaniyang misis at isang anak nang magdeklara ng holdap ang mga suspek sa kahabaan ng NLEX sa Brgy. 160, Caloocan City.
Kasalukuyang nililimas ng mga holdaper ang pera, cellphone at mga kagamitan ng mga pasahero nang magpakilalang pulis si Cabansag para pasukuin ang mga suspek.
Gayunman, agad na bumunot ng baril ang dalawa sa mga suspek na pinatukan ang nasabing parak kung saan isang pasahero ang nasugatan.
Dito na bumunot ng baril si Cabansag at pinaputukan sa paa ang dalawang holdaper habang nakatakas naman ang isa sa mga ito na agad tumalon sa bus ng makitang duguang nakalugmok ang kaniyang mga kasamahan.
Ang plaque of appreciation para kay PO2 Cabansag ay tinanggap ng misis nitong si Christine Cabansag.
Samantala, 20 pang mga pulis ang tumanggap din ng Medalya ng Kagitingan (PNP Merit) medal sa kabayanihan ng mga ito kontra sa illegal drugs, loose firearms at mga wanted na kriminal.
- Latest