PNP, AFP nagturuan sa Mamasapano massacre
MANILA, Philippines – Nagmistulang ‘word war’ ang turuan ng mga heneral ng AFP at PNP kung sino ang dapat sisihin sa pagkamatay ng 44 SAF commandos na brutal na pinaslang ng MILF.
Sinabi ni AFP Chief Gen. Gregorio Pio Catapang Jr., nagkulang at huli na ng makipag-koordinasyon ang mga opisyal ng SAF sa AFP.
“Well you know when you go to war it takes weeks to prepare. Hindi ito party na, pare party tayo mamayang gabi, dala ka isang red wine, share mo yun. It will take time for coordination,” ani Catapang dahil pinamumugaran ng MILF at BIFF ang lugar at inaasahan ang matinding bakbakan kung papasukin ito kung saan ang SAF daw ang nagkulang sa koordinasyon.
Ayon kay Catapang, alam nila ang plano para arestuhin ang top Jemaah Islamiyah terrorist na si Zulkipli bin Hir alyas Marwan at Abdul Basit Usman pero hindi nila alam ang eksaktong petsa kung kailan ito isasagawa.
Una nang umani ng pagbatikos ang militar dahil hindi kaagad nakapag-reinforce sa SAF pero iginiit ng mga commanders nito sa lugar na dapat ay naunang nagresponde ang mahigit 300 SAF troopers na nagsilbing blocking force.
Sa pahayag ng sinibak na si SAF Commander Director Getulio Napenas, mayroong ‘grid coordinates’ ang 55th SAF Company sa mga opisyal ng militar partikular na kay Army’s 6th Infantry Division (ID) Commander Major Gen. Edmundo Pangilinan para magpadala ng reinforcement.
Ayon kay Napeñas, ipinadala rin niya ang text message kay PNP Officer in Charge Leonardo Espina na siya namang nagpadala ng mensahe kay AFP Western Mindanao Command Chief Lt. Gen. Rustico Guerrero.
Pinabulaanan ni Napeñas na tumanggi ang 300 SAF companies standby forces na ituro at sumama sa nagrespondeng Army units para tulungan ang 55th SAF Company ni Sr. Inspector Ryan Pabalinas na nakorner ng MILF.
Ang 35 sa kabuuang 36 SAF troops ni Pabalinas ay nalagas sa nasabing bakbakan.
Sabi ni Catapang, nagawang magmobilisa ng tropa ng AFP at magpadala ng reinforcement pero hindi alam ng mga ito kung saan pupunta dahil sa kawalan ng koordinasyon ng SAF.
“We came there to reinforce them but the reinforcement was to extricate them not to join the fight with the MILF or BIFF or whatever combat units they were engaged,” pag-amin ni Catapang na sinabi pang binibigyang halaga ng AFP ang peace agreement sa MILF.
“It is not my words against the words of General Catapang. It will be the result of the investigation or the Board of Inquiry wherein there will be pieces of evidence and documentary evidence,” tugon ni Napeñas.
- Latest