Pacman nakapuntos sa tax case
MANILA, Philippines - Pinaboran ng Korte Suprema si Sarangani Rep. Manny Pacquiao kaugnay sa kinakaharap na tax case.
Naglabas ang SC 3rd Division ng temporary restraining order (TRO) na pumipigil sa kautusan ng Court of Tax Appeals (CTA) na maglagak ng P3-bilyong cash bond o P4-bilyong surety bond si Pacquiao.
Layunin ng paglalagak ng bond na maharang ang pagkolekta ng BIR sa kanya umanong tax deficiency o utang sa buwis na nagkakahalaga ng P2 bilyon.
Kasabay nito, inatasan din ng SC ang CTA at BIR na magkomento sa petisyon ni Pacquiao sa loob ng 10 araw.
Bukod sa paglagak ng bond, pinigil din ng SC ang CTA first division sa pagdaraos ng pagdinig sa nasabing kaso, gayundin ang pagpapairal ng warrant of distraint and levy na inisyu ng BIR laban sa mga bank account ni Pacquiao.
Pinagbabawalan din nito ang BIR na samsamin ang mga ari-arian at bank accounts ng mag-asawa para makolekta ang kulang umanong buwis.
Giit ni Pacman, nagbayad siya ng tamang buwis mula sa kanya ng mga laban kay Ricky Hatton, Oscar de la Hoya, David Diaz at Miguel Cotto sa Estados Unidos.
- Latest