Misuari, Malik nasa bansa pa
MANILA, Philippines - Matapos ang pagpapalabas ng warrant of arrest, inalerto naman ng Bureau of Immigration (BI) ang lahat ng mga paliparan sa buong bansa laban sa puganteng si MNLF founding chairman Nur Misuari at Ustadz Habier Malik kaugnay sa kasong rebelyon at paglusob ng grupo sa Zamboanga City.
Ayon kay BI spokesperson Maria Angelica Pedro, walang rekord ang ahensya na nakalabas na ng Pilipinas si Misuari at iba pang lider na kabilang sa kinasuhan at pinapaaresto ng gobyerno.
Nakipag-ugnayan na ang tanggapan sa lahat ng kanilang airport personnel sakaling ito ay magtangkang lumabas ng bansa.
“Nasa bansa pa po si Mr. Misuari,†ani Pedro.
Maging ang posibilidad ng paggamit ng ibang pangalan ni Misuari at ni Malik ay kinokonsidera na rin ng BI upang hindi malusutan ng mga pugante.
Napag-alaman na maging si Justice Secretary Leila de Lima ay nagpahayag na rin na maaaring hindi pa nakalabas ng Pilipinas ang pinuno ng rebeldeng grupo at inaming may lead na rin ang mga otoridad laban sa mga ito.
Nakatanggap naman ng intelligence report ang pambansang pulisya mula sa lalawigan ng Sulu na nagsagawa umano ng seremonya para sa patay ang mga kamag-anak ni Malik na siyang nanguna sa paglusob sa Zamboanga City.
- Latest