Erwin Tulfo pinapagiba harang sa timber lands sa Bulacan
MANILA, Philippines — Umapela si Senator-elect Erwin Tulfo sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) at sa lokal na pamahalaan ng Doña Remedios Trinidad (DRT), Bulacan na agad tanggalin ang lahat ng iligal na gate, bakod, at barikada na umano’y itinayo ng isang pribadong indibidwal sa mga timber land sa Barangay Kalawakan.
Ito ay matapos ang isinagawang inspeksyon ni Tulfo kasama si DRT Mayor Ronaldo Flores at mga kinatawan ng DENR Community Environment and Natural Resources Office – Baliwag sa naturang lugar kung saan personal niyang nasaksihan kung gaano ginagambala ng mga harang ang pamumuhay ng mga residente sa lugar.
“Hindi ito katanggap-tanggap. Ang mga iligal na gate at barikadang ito ay humaharang sa daan at sa hanapbuhay ng mga tao. Personal kong tututukan ito upang masigurong maresolba agad.
Sa pakikipagtulungan sa DENR, LGU, at pulisya, sisiguraduhin kong magigiba ang mga ito bago mag-Hunyo 30,” pahayag ni Tulfo.
Aniya, ito ay mga forest lands at hindi dapat ito ginagawang pansariling lupain ng kahit na sinoman.
Nitong Mayo, lumapit kay Tulfo ang mga miyembro ng Aniban ng mga Magsasaka, Mangingisda, at Manggagawa sa Agrikultura (AMMMA), DRT Bulacan Chapter para ireklamo ang mga iligal na harang at inaakusahang gumagamit ng pananakot, karahasan, at pagbabanta upang mangamkam ng timber lands sa Brgy. Kalawakan.
- Latest