Diskuwalipikasyon ng Senior Citizens Partylist, pinigil ng SC
MANILA, Philippines - Pinigil ng Supreme Court (SC) ang pagdiskuwalipika ng Commission on Elections (Comelec) sa Coalition of Association of Senior Citizens in the Philippines o Senior Citizens Party-list at Abang Lingkod.
Ayon kay Chief Public Information Officer Theodore Te, nagpalabas ng status quo ante order (SQAO) ang en banc para sa dalawang party-list groups.
Una nang nag-isyu ng temporary restraining order (TRO) si Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa proklamasyon ng iba pang nanalong party-list kaugnay ng kaso ng Senior Citizens.
Matapos na hindi ratipikahan ng en banc kahapon ay nagpalabas na lamang ng SQAO.
Pinagrereserba rin ng SC ang Comelec ng kaukulang bilang ng upuan sa Kongreso para sa botong nakuha ng Senior Citizens Partylist.
Sinabi ni Rep. Godofredo Arquiza na nakakuha sila ng 677,000 boto na katumbas ng dalawang upuan sa Kongreso. Wala namang ganitong kautusan para sa Abang Lingkod.
Gayunman, sinabi ng Mataas na Hukuman na hindi muna maipoproklama ang Senior Citizens Partylist hangga’t walang final ruling sa petition on merits nito.
Samantala, pinagsusumite rin ng Korte Suprema ang Comelec ng komento sa petisyon ng Binhi at Anad party-list groups sa loob ng 10 araw.
- Latest
- Trending

















