2 barko ng Phil. Navy lalagyan ng missile
MANILA, Philippines - Upang higit na mapalakas pa ang kapabilidad at hindi mapag-iwanan ng mga hukbong dagat sa Asya, lalagyan ng Philippine Navy ng Harpoon missile ang dalawa nitong barkong pandigma.
Bukod sa BRP Gregorio del Pilar, isang Hamilton Class Cutter at ang paparating pang BRP Ramon Alcaraz na galing rin sa Estados Unidos ay kapwa lalagyan ng Harpoon missile.
Ang hakbang ay upang mapalakas pa ang kapabilidad ng hukbong dagat ng Pilipinas laban sa mga dayuhang “nanghihimasok” sa karagatang sakop ng 200 Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa.
“These upgrades will make our Hamilton-class cutters more capable vessels, definitely to satisfy our minimum deterent capability as far as naval defense is concern,” anang Defense official na tumangging magpabanggit ng pangalan.
Bukod sa Pilipinas, ang mga bansang nag-aagawan sa Spratly Islands ay ang Vietnam, Brunei, Taiwan, Malaysia at China na pinakamapangahas.
Ang Hamilton Class Cutters ships ay nasa 3,250 tonelada, may habang 378 talampakan at makakayang maglayag ng hanggang 14,000 milya sa karagatan sa loob ng 45 araw.
Kaugnay nito, inihayag pa ng opisyal na pinaplano na ang pagtatayo ng depot station sa Palawan para magsilbing bagsakan ng relief supplies sa panahon ng kalamidad.
- Latest
- Trending



















