Pekeng motorcycle helmet bawal na
MANILA, Philippines - Hindi na papayagan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang paggamit ng mga motorcycle riders ng mga peke at depektibong mga helmet.
Sinabi ni DTI Undersecretary Zenaida Maglaya na sa ilalim ng Motorcycle Helmet Act of 2009, lahat ng mga imported na helmet na ibebenta sa merkado ay dapat may tatak na import commodity clearance (ICC) o pumasa sa kanilang safety standards upang matiyak na hindi depektibo o mababang uri ang mabibili ng mga motorcycle riders.
Ito’y dahil naglipana na rin sa mga pamilihan partikular na sa Quiapo, Sta. Cruz, Divisoria at Port Area, Maynila ang mga pekeng helmet na may tatak na imported brand.
Ang mga nakabili naman ng imported na helmet na wala pang validation at sticker ng ICC ay maaaring dalhin sa kanilang iba’t ibang sangay ng tanggapan sa Metro Manila upang masuri at malagyan ng libreng sticker.
Kabilang sa mga tanggapan ng DTI na maaaring puntahan ng mga riders ang mezzanine floor ng Roxas Strip sa kanto ng Roxas Blvd. at Arnaiz Ave., The Atrium sa Makati Avenue kanto ng Paseo de Roxas, Plaza 986 sa Standford kanto ng EDSA sa Mandaluyong City at sa compound ng Valenzuela City Hall sa Karuhatan.
May multang P1,500 ang mahuhuli sa unang paglabag, P3,000 sa ikalawa at P5,000 sa ikatlo.
- Latest
- Trending