Pagboto kay Corona itutulad sa VFA
MANILA, Philippines - Itutulad ng Senado sa botohan sa Visiting Forces Agreement (VFA) noong 1999 ang gagawing pagboto ng mga senador kay Chief Justice Renato Corona.
Ayon kay Senate Majority Leader Vicente “Tito” Sotto III, gagayahin nila ang proseso ng botohan noong ipasa ang VFA kung saan magiging alphabetical order ang pagtawag sa mga senador.
“Yung proseso ng botohan, kapareho ng botohan ng VFA noong 1999,” pahayag ni Sotto.
Unang tatawagin at magbibigay ng kaniyang boto si Senator Edgardo Angara na susundan naman ni Senator Joker Arroyo hanggang umabot kay Senator Manny Villar na pinakahuli sa alphabetical order.
Bibigyan din ng pagkakataon ang isang senator-judge na magpaliwanag bago nito sasabihin kung para sa conviction o acquittal.
Ayon kay Sotto, may nagpanukala na botohan muna bago ang paliwanag, pero ito’y isinantabi ng nakararami sa mga senador.
Para ma-convict si Corona, kailangan ng 2/3 ng kabuuang miyembro ng Senado o 16 boto habang 1/3 naman para sa acquittal o 8 boto.
Naniniwala si Sotto na ang pressure ng botohan ay nasa kamay ng ika-16 na senador na boboto hanggang sa ika-23.
“Yung boto ng 16th to 23rd ang crucial diyan,” pahayag ni Sotto.
Nauna ng sinabi ni Senate President Juan Ponce Enrile na hindi lalampas ng Martes ng darating na linggo para maibaba ang hatol kay Corona.
- Latest
- Trending