Swimming pool na iniihian may makukuhang sakit
MANILA, Philippines - Nanawagan ang Department of Health (DOH) sa publiko na magsisipaligo sa swimming pool at mga dagat na mag-ingat sa mga sakit na posibleng makuha mula rito.
Ayon kay Dr. Lyndon Lee Suy, DOH’s Emerging and Reemerging Infectious Diseases program manager, dapat na iwasan ng sinuman ang pag-ihi sa mga swimming pool at beach kung saan kinagigiliwan ng publiko ang pagligo upang malabanan ang init ng panahon.
Ipinaliwanag ni Lee Suy na nagtataglay ng microorganism ang ihi ng tao at may panganib sa kalusugan ng tao kung maiinom.
Kailangan din munang mag-shower ang sinumang lalangoy upang maalis ang dumi sa katawan.
Hindi rin umano dapat na lumalangoy ang mga taong may skin at iba pang infectious diseases dahil malaki ang posibilidad na makahawa.
Pinayuhan din ng DOH ang publiko na kailangan na lutuing mabuti ang mga pagkain upang maiwasang mapanis agad.
Kailangan din na mag-ingat sa pag-inom ng mga samalamig na ibinebenta sa lansangan.
Mas makabubuti ring kumain ng maraming gulay at prutas upang mapalakas ang immune system.
Kabilang sa mga “summer diseases” ay typhoid, cholera, Hepatitis A, food poisoning, diarrhea, sore eyes, measles, mosquito-borne diseases, dengue at malaria.
- Latest
- Trending























