Multi-million drug trade sa Munti!
MANILA, Philippines - Aabot umano sa daang milyong piso kada taon ang kalakalan ng droga, partikular na ang “shabu,” sa loob mismo ng National Bilibid Prisons (NBP).
Ito ang lumilitaw sa paunang imbestigasyon ng Bureau of Corrections sa pangunguna ni BuCor director, Gaudencio Pangilinan.
Nito lang nakaraang Enero, nasabat ng mga NBP jailguards ang may 300 gramo ng shabu at isang .380 caliber pistol, habang tinatangkang ipuslit ang mga ito papasok sa NBP.
Ayon pa sa mga NBP officials, ang droga at armas ay nakuha sa brigada ng ‘Sigue Sigue Sputnik’ kung saan kinilala ang isa sa mga lider na isang Mar Alejandro.
Bagaman inilipat na sa San Ramon penal colony sa Zamboanga si Alejandro patuloy pa rin ang bentahan ng droga sa loob ng Bilibid.
Nabatid din na aabot sa P80,000 kada gramo ang bentahan ng shabu sa loob ng ‘Munti,” halos 40 beses ang presyo kumpara sa P5,000 kada gramo na “street price” nito.
Sa ganitong presyo, sinabi ng mga BuCor officials na hindi malayong umabot sa daang milyong piso kada taon ang kinikita ng mga sindikato ng droga sa loob pa lang ng NBP.
Natukoy naman ang “Rose Galo” drug syndicate bilang isa umano sa mga “suppliers” ng shabu na pumapasok sa loob ng NBP kung saan ibinebenta naman daw ito ng isang “Ibrahim” na umano’y miyembro ng “Batang City Jail.”
Sa mahabang panahon umano ay matagumpay ang naging operasyon ng sindikato sa loob ng NBP dahil na rin daw sa tulong ng isang opisyal na kung tawagin ay “Mickey Macky.”
Si “Macky” raw ay opisyal na dating may sensitibong puwesto sa NBP. Habang isinasagawa ang tahimik na imbestigasyon sa lawak at lalim ng bentahan ng droga sa Munti, ipinag-utos ni Pangilinan ang paglipat ni Mickey Macky sa isa sa mga penal colonies na nasa hurisdiksyon ng BuCor.
Sa pagkabuwag ng operasyon ng nasabing sindikato at patuloy na imbestigasyon sa kontrobersiya na iniutos ni Pangilinan, hindi na ito nagtataka kung bakit mayroon umanong “well funded ‘smear’ job” laban sa kanya sa media.
Layunin ng kampanyang pinondohan ng drug money na masibak si Pangilinan sa kanyang puwesto.
“Malaking pera kasi ang pinag-uusapan dito; pero ang utos sa akin ng ating mahal na Pang. Aquino ay ‘linisin’ ko ang NBP at ito ang aking gagawin,” diin naman ni Pangilinan.
Si Pangilinan ay kasalukuyang iniimbestigahan ng Department of Justice (DOj) sa samu’t-saring bintang ng katiwalian na ibinato sa kanya ni JG3 Kabungsuan “Bong” Makilala.
- Latest
- Trending