SC probe sa 2 mahistrado sisimulan na
MANILA, Philippines - Nakatakdang sumalang sa imbestigasyon ng Korte Suprema ang reklamong pamemeke ng dokumento at “cover-up” laban sa dalawang mahistrado nito.
Ayon kay SC-Administrator and Public Information Office Chief Jose Midas Marquez, sisiyasatin sa isasagawang en banc ng SC ang reklamo laban kina Associate Justices Antonio Carpio at Maria Lourdes Sereno, na inihain ni Atty. Magdaleno Pena hinggil sa auction ng 85-units ng condominium sa Makati City na pag-aari ng naluging Urban Bank.
Bukod sa nasabing mga reklamo, nagsampa din ng kaso si Pena sa SC-Committee on Ethics and Standards at sa tanggapan ng punong mahistrado matapos na pekein umano ni Carpio ang ipinalabas na kautusan ng SC-First Division noong Nob. 13, 2002 na pumapabor sa Urban Bank at kumakalaban naman kay Pena.
Sa dalawang reklamong may petsa na Setyembre 16 at 20, 2011, inakusahan ni Pena ang dalawa ng pagbibigay ng maanomalyang pabor sa naturang banko matapos na maghain ito ng petisyon para pahintuin si Pena at ang Deputy Sheriff ng Bago Regional Trial Court Branch 62, sa pagbebenta ng nasabing rematadong ari-arian ng bangko.
Iginiit ni Pena na ang nasabing resolution ay peke dahil hindi siya napadalhan ng SC ng kopya nito, hindi rin siya binigyan ng oportunidad na makapagsumite ng kanyang komento.
- Latest
- Trending




















