'Untouchable' kami!
MANILA, Philippines - Tahasang sinabi kahapon ng Turkong mister ni Ramona Bautista na ang kanyang asawang nadidiin sa pagpatay sa sarili nitong kapatid ay “untouchable.”
Lumabas ang pahayag ng asawa ni Ramona na si Engin Tuna Bulbuloglu sa isang ulat ng Hurriyet Daily News.
Nagpahayag din ng paniniwala si Bulbuloglu na gawa-gawa lang ang mga paratang kay Ramona na idinidiin sa pagpatay sa kapatid nitong si Ramgen.
Sinasabi sa ulat na lumipad patungo sa Turkey si Ramona makaraang masangkot siya sa pagpatay kay Ramgen at sa tangkang pagpaslang sa nobya nitong si Janelle Manahan sa Parañaque City noong Oktubre.
“Nothing will come out of this incident. Everything is merely made up of allegations. No one can touch us,” pahayag ni Bulbuloglu sa hiwalay na ulat ng Daily Vatan.
Nabatid na ang mga Bulbuloglu ay isa sa pinakamalaking angkan at maiimpluwensiyang tao sa Turkey.
Nakita sa isang video si Ramona habang nasa Ninoy Aquino International Airport at naghihintay ng kanyang biyahe patungong Hong Kong. Mula roon ay dumiretso siya sa Turkey. Nakasaad sa kanyang departure card na residente siya ng Turkey.
Naunang nagpahayag ng pagkabahala si Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. na maaaring sumama na ang 22-anyos niyang half-sister na si Ramona sa asawa nito sa Turkey.
Nabatid din na tatlong taon nang kasal si Ramona kay Bulbuloglu.
Samantala, nagbigay ng walong araw na palugit para humarap sa piskalya si Ramona.
Nabatid na patuloy pang pinaghahanap ang iba pang suspect kabilang si Glaiza Vista at ang boyfriend nitong si Norwin de la Cruz na umano’y siyang kumontak sa ‘hired killer’ sa pagpatay kay Ramgen.
Kasabay nito, sinabi ni PNP Chief Director Gen. Nicanor Bartolome na may surrender feeler na ang isa sa mga suspect at hinihintay na ng mga imbestigador ang paglantad nito.
- Latest
- Trending




















