Single Breadwinners Act, isinulong ni Loren
MANILA, Philippines — Isinusulong sa Senado ang panukalang Single Breadwinners Act na naglalayong magbigay ng tulong pinansyal, suporta sa edukasyon at psychosocial services sa mga Pilipinong mag-isang bumubuhay sa kanilang pamilya.
Ayon kay Sen. Loren Legarda, may-akda ng Senate Bill No. 2616, kinikilala ng panukala ang sakripisyo ng mga tinatawag na “tagasalo” ng pamilya na kadalasang isinasantabi ang sariling pangarap at kapakanan upang matustusan ang pangangailangan ng kanilang mga mahal sa buhay.
“Ang pagtataguyod sa pamilya ay isang dakilang tungkulin at likas sa ating mga Pilipino, ngunit hindi ito dapat maging dahilan upang makalimutan ng ating mga breadwinner ang kanilang sariling kinabukasan at kapakanan,” ani Legarda.
Saklaw ng panukala ang mga walang asawa, biyuda o biyudo, mga may napawalang-bisang kasal, at iba pang nagsisilbing pangunahing tagasuporta ng kanilang magulang, kapatid, pamangkin o kamag-anak na may kapansanan.
Kabilang din sa mga makikinabang ang mga estudyanteng kailangang pagsabayin ang pag-aaral at pagtatrabaho upang matulungan ang kanilang pamilya.
Sa ilalim ng panukala, maaaring makatanggap ng ayuda sa pamamagitan ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program ng DSWD ang mga kuwalipikadong single breadwinner na may taunang kita na hindi lalampas sa P400,000. Maaari silang tumanggap ng hanggang P30,000 kada taon para sa mga pangangailangang dulot ng krisis.
Magkakaloob din ng mas flexible na class schedules at academic load ang mga paaralan sa tulong ng DepEd, CHED at TESDA upang matulungan ang mga student breadwinner.
Ayon kay Legarda, layunin ng panukala na tiyaking hindi kailangang pasanin ng mga single breadwinner ang bigat ng responsibilidad nang nag-iisa at maramdaman nila ang suporta ng pamahalaan.
- Latest

















