OVP 2027 budget aprub ng Senado sa loob ng 1 minuto
MANILA, Philippines — Sa loob lamang ng isang minuto, inaprubahan ng Senado ang panukalang P785.2 milyong budget ng Office of the Vice President (OVP) para sa 2027.
Personal na humarap si Vice President Sara Duterte sa budget hearing ng kanyang tanggapan. Sinalubong si Duterte ng ilang senador kabilang sina Sen. Robin Padilla at Sen. Bong Go. Kasama rin niya si OVP Chief of Staff Zuleika Lopez, Assistant Chief of Staff Lemuel Ortonio at iba pang opisyal ng tanggapan.
Dakong 1:06 p.m. nang pormal na i-sponsor ni Senate Finance Committee Chair Sen. JV Ejercito ang panukalang budget ng OVP sa plenaryo.
Dahil walang senador na nagtanong, agad na naghain ng mosyon si Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri upang aprubahan ang budget ng OVP para sa 2027.
Ayon kay Zubiri, bahagi na ng tradisyon at “courtesy” ng Senado ang mabilis na pag-apruba sa budget ng OVP.
Makalipas ang halos isang minuto, inaprubahan ni Senate President Sherwin Gatchalian ang mosyon nang walang pagtutol mula sa mga senador.
Noong Oktubre, mabilis ding inaprubahan ng subcommittee ng Senate Committee on Finance ang panukalang budget ng OVP para sa fiscal year 2027.
Samantala, tumanggi si Duterte na sagutin ang tanong ng media kung dadalo siya sa mga susunod na pagdinig ng kanyang impeachment trial.
- Latest
















