Palasyo: Mahihirap, hindi dapat pasanin utang ng bansa

MANILA, Philippines — Hindi makatuwiran na hingan ng kontribusyon ang mahihirap na Pilipino upang makatulong sa pagbabayad ng pambansang utang, ayon sa Malacañang.
Sinabi ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro na mas nararapat na tulungan ng pamahalaan ang mga nasa laylayan ng lipunan kaysa dagdagan pa ang kanilang pasanin.
Ang pahayag ay kasunod ng mungkahi ni Sen. Alan Peter Cayetano na mangalap ng mga boluntaryong donasyon upang makatulong sa pagbawas ng pambansang utang na umabot na sa P19.66 trilyon.
“Hindi po reasonable na iyong nasa laylayan ng lipunan ay hingin mo pa ng pag-ambag para sa mga kailangang bayarin ng ating bansa,” ani Castro.
Binigyang-diin rin niya na malaking bahagi ng pondo ng gobyerno ay ginagamit para sa mga programang ayuda at suporta sa mahihirap at iba pang bulnerableng sektor.
Dagdag pa ni Castro, madalas ding humaharap ang bansa sa malalakas na kalamidad na nangangailangan ng karagdagang gastusin para sa relief, rehabilitasyon at iba pang serbisyong pang-emergency, na lalo pang nagpapabigat sa gastusin ng pamahalaan.
- Latest

















