Mag-ingat sa pekeng pari na mag-iikot sa sementeryo - Obispo
MANILA, Philippines - Pinag-iingat ni Palawan Bishop Pedro Arigo ang publiko laban sa umano paglilibot ng mga pekeng pari sa sementeryo na umano’y nagbabasbas ng puntod kapalit ng abuloy o pera ngayong Nobyembre 1 at 2.
Ayon kay Bishop Arigo, karaniwang modus na ito ng mga nagkukunwaring pari upang pagkakitaan ang pagdiriwang ng undas.
Kaugnay nito, sinabi ng Obispo na mas mabuting kilalanin muna ng tao ang pari sa pamamagitan ng paghingi ng I.D celebret na nagpapatunay na maganda ang record ng pari.
Sinabi ni Arigo na ito kadalasan ang ginagawang pagkakataon ng mga mapagsamantala upang makapangloko ng iba.
Kaugnay nito, inatasan ni Caloocan Bishop Deogracias Iniguez ang lahat ng security guards ng sementeryo partikular ang mga guardiya ng La Loma Cemetery at iba pang sementeryo na nasasakupan ng Diocese nito na hingan ng ID ang lahat ng pari na magbabasbas sa mga puntod ngayong undas.
Nilinaw naman ni Radio Veritas President at Caritas Manila Executive Director Fr.Anton Pascual na madali lamang makilala ang totoo at pekeng pari.
Sinabi ni Father Anton na ang totoong pari ay mayroong dala-dalang ID na celebret ang nakalagay kung saan nakatala dito ang pangalan ng pari, kailan siya na-ordinahan at mayroong lagda ng Obispo ng Diocese na kanyang kinabibilangan.
Inihayag ni Father Anton na mahirap mapeke ang ID celebret dahil hindi nagagawa ng kung sinu-sino.
- Latest
- Trending