'Electric protest' ng AGAP ngayon na
MANILA, Philippines - Ngayong araw isasagawa ng 9 milyong consumer ng iba’t ibang electric cooperatives sa bansa ang kanilang ‘9 9 9 9 protest’ laban sa mataas na singil sa kuryente.
Ganap na alas-9:00 ng gabi ay pangungunahan ni Agricultural Sector Alliance of the Philippines (AGAP) Partylist Rep. Nicanor Briones ang isang oras na pagpapatay ng ilaw ng may 9-milyong consumer para ipakita ang galit ng publiko sa ipinapataw na dagdag na singil sa kuryente ng mga electric cooperative sa ibat-ibang probinsiya, partikular sa lalawigan ng Batangas.
Kinukuwestiyon ng mambabatas ang sinisingil na Member Contribution for Capital Expenditures (MCCE) ng mga electric cooperatives na umaabot sa halagang P55 bilyon ang nakokolektang MCCE pero hindi alam kung saan napupunta ang nasabing salapi.
Hinihiling ng AGAP na ipaliwanag ito ng mga opisyal ng Department of Energy (DoE) at National Electrification Administration (NEA) dahil kung hindi ay pipigilan ni Briones na maipasa sa kongreso ang 2012 budget ng dalawang ahensiya.
Sinabi ni Briones, dapat i-convert sa regular cooperatives ang mga electric coops at ilipat ang pamamahala Cooperative Development Authority (CDA) na ngayon ay nasa superbisyon ng NEA. Sa pamamagitan nito aniya, ay mabibigyan ng benepisyo ang mga consumer na maging regular na kasapi ng coops na magbibigay daan upang bumaba ang singil sa kuryente.
- Latest
- Trending















