Opisyal ng Samchan, nais gawing testigo vs Romualdez
MANILA, Philippines — Hiniling ng Office of the Ombudsman sa Sandiganbayan Third Division na alisin bilang akusado si Felicito Guevarra, opisyal ng Samchan Foreign Exchange Corp., sa P7.4 bilyong plunder case laban kay Leyte Rep. Martin Romualdez kaugnay ng umano’y flood control kickback scheme.
Sa omnibus motion ng prosekusyon, hiniling ding payagan si Guevarra na tumestigo laban kay Romualdez kapalit ni dating Public Works Secretary Manuel Bonoan. Nais din ng Ombudsman na manatili siya sa kustodiya ng NBI matapos sumuko noong Nobyembre 19.
Ayon kay Deputy Special Prosecutor Omar Sagadal, hindi mababago ng pag-amyenda sa impormasyon ang teorya ng kaso dahil mananatili ang mga alegasyon ng conspiracy at plunder.
Kabilang pa rin sa mga akusado sina dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co at Jocelyn Sereño, isang tauhan ni Romualdez.
Tinutulan naman ng abogado ni Romualdez na si Raschel Pomoy ang mosyon, iginiit na hindi patas ang pagdagdag ng testigo habang malapit nang tapusin ng prosekusyon ang presentasyon ng ebidensya.
Nakatakdang pagdesisyunan ng Sandiganbayan ang mosyon, habang itinakda ang Disyembre 4 bilang huling araw ng mga testigo ng prosekusyon sa bail hearing ni Romualdez.
- Latest
















