Piyansa nina Marcoleta, Defensor tinabla ng Sandiganbayan

MANILA, Philippines — Mananatili sa New Quezon City Jail sa Payatas sina Senador Rodante Marcoleta, dating Anakalusugan Party-list Rep. Mike Defensor, at dalawa pa nilang kasamahan matapos ibasura ng Sandiganbayan Third Division ang kanilang mosyon na makapagpiyansa kaugnay ng kinakaharap na kasong plunder at paglabag sa Presidential Decree No. 46.
Kinumpirma ito ni Atty. Dennis Pulma, Clerk of Court ng Sandiganbayan Third Division, kasabay ng pagpapatuloy ng pagdinig at pagsusuri sa kanilang mga petisyon para sa piyansa.
Bukod kina Marcoleta at Defensor, mananatili rin sa piitan ang kanilang mga kapwa akusado na sina negosyanteng Joseph Espiritu at Aristotle Viray.
Nag-ugat ang kaso sa umano’y hindi idineklarang P75 milyong donasyon na ibinigay kina Marcoleta, Defensor, at iba pang personalidad para sa kampanya ni Marcoleta noong tumakbo siyang senador sa halalan noong 2025.
Sa isang TV interview, inamin ni Marcoleta na tumanggap siya ng P75 milyong kontribusyon mula sa ilang kaibigan. Gayunman, hindi umano niya ito isinama sa kanyang Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) dahil hiniling ng mga donor na manatiling lihim ang kanilang pagkakakilanlan.
Sa affidavit na isinumite niya sa Commission on Elections (Comelec) noong Enero 2026, gayundin sa kanyang counter-affidavit na inihain sa Office of the Ombudsman noong Hunyo 2026, iginiit ni Marcoleta na natanggap niya ang kabuuang P75 milyon mula sa tatlong donor noong Enero 2025, bago pa magsimula ang opisyal na panahon ng pangangampanya para sa mga pambansang kandidato.
Batay sa tinatawag na “Penera doctrine,” katuwiran ni Marcoleta na hindi pa siya maituturing na opisyal na kandidato nang matanggap ang mga donasyon. Dahil dito, ayon sa kanya, hindi siya obligadong ideklara ang naturang halaga sa kanyang SOCE.
- Latest




















