PNP naloko, biniling choppers segunda mano
MANILA, Philippines - Kinumpirma kahapon ng Philippine National Police (PNP) ang alegasyon ni Senador Panfilo “Ping” Lacson na hindi na bago kundi segunda mano pala at overprice pa ang dalawa sa tatlong chopper na kanilang binili noong 2009.
Batay sa report na isinumite ng Air Unit ng PNP Special Action Force, kumpirmadong hindi na brand new ang dalawa sa tatlong Robinson R-44 helicopters na kanilang nabili sa halagang P105M o P35M bawat isa sa Manila Aerospace Products Trading (MAPTRA).
Sa expose ni Sen. Lacson sa flag raising sa Camp Crame noong Lunes, sinabi nito na overprice ang tatlong helicopter dahil luma ang dalawa rito na kung noong 2009 binili ay tig-P5-M lamang dapat ang bawat isa. Samantalang sa presyo ngayong 2011 ay nasa P16M hanggang P17M lamang ang dapat na presyo nito.
Kasabay nito, sinabi din ni Cruz na may mga opisyal na kailangan magpaliwanag hinggil sa nabunyag na anomalya at posible na ipatawag din nila si dating PNP Chief Jesus Verzosa na siyang nag-apruba sa pagbili ng mga helicopter.
Sa kasalukuyan, hiniling na ng PNP sa Manila Aerospace na palitan ng brand new ang dalawang helicopter bagamat hindi ito nangangahulugan na hindi na nila sasampahan ng mga kaukulang kaso ang kumpanya dahil sa panloloko.
Samantala, ipinag-utos na ni PNP Chief, Director Gen. Raul Bacalzo sa Directorate for Investigative and Detective Management (DIDM) na magsagawa ng masusing pagsisiyasat sa delivery ng mga naturang helicopter at maghain ng kaso laban sa mga taong mapatutunayang sangkot.
Ipinaalala rin ni Bacalzo sa kanyang mga tauhan na tiyakin ang transparency at pagsunod sa Procurement Reform Act ng gobyerno sa bawat kontratang pinapasok.
- Latest
- Trending




















