Ph papasaklolo sa ASEAN bago sa US
MANILA, Philippines - Magpapasaklolo muna ang Pilipinas sa mga bansa sa Association of Southeast Asean Nations (ASEAN) bago ito humingi ng tulong sa Estados Unidos kaugnay ng mainit na isyu sa agawan ng teritoryo sa Spratly Islands sa West Philippine Sea (South China Sea).
Ito ang naging posisyon ng Department of National Defense (DND) sa gitna na rin ng tension sa Spratly Islands at pagpapalakas ng puwersa ng China sa lugar.
Una nang nagpadala ng pinakamalaking maritime ship Haixun 31 ang China sa Spratly Islands matapos mairita sa isinagawang live fire drill ng Vietnam sa lugar. Ang Pilipinas ay ipinadala rin ang Rajah Humabon, ang pinakamalaking warship nito sa lugar upang paigtingin ang pagpapatrulya at mapigilan ang paglalagay ng marker ng China .
“ Sa ASEAN muna bago sa US “, tugon ni Defense Spokesman Eduardo Batac ng matanong kung kailangan na nga bang humingi na ng tulong ang Pilipinas sa Estados Unidos bunga ng pagiging agresibo ng China sa mga inaangkin nitong teritoryo sa Spratly Islands.
Bukod sa Pilipinas, kabilang sa mga bansang nag-aagawan sa pag-aangkin sa Spratly Islands ay ang Vietnam, Taiwan, Brunei, Malaysia kung saan pinakaagresibo ang China na nakapagtayo ng higit na maraming istraktura, radar at military resources sa lugar bukod pa sa pinalakas na security forces nito.
Sa kabila nito, tiwala naman si Batac na mareresolba sa diplomatikong pamamaraan ang sigalot sa Spratly at hindi kailangang humantong ito sa karahasan.
Sa kasalukuyan ay patuloy naman ang puspusang pagpapatrulya ng aircraft ng Philippine Air Force at ng maritime patrol ship ng Philippine Navy sa Spratly Islands.
- Latest
- Trending