Bagong hepe ng Calabarzon Police, itinalaga
CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines — Iniluklok ang bagong police regional director ng Calabarzon region sa isinagawang simpleng turnover ceremony sa covered court, sa loob ng kampo kahapon ng umaga.
Pinalitan ni Brig. General Jack Wanky sa puwesto si dating Police Regional Office (PRO)-4 director Brig. Gen. Paul Kenneth Lucas na ngayon ay deputy regional director ng National Capitol Region Police Office (NCRPO) for Administration.
Si Brig. Gen. Wanky ay dating regional director ng Police Regional Office 6 (Western Visayas) at recipient ng Philippine National Police Academy (PNPA) Tagapagtupad Class 1992.
Ang seremonya ay pinangunahan ni Lt. General. Melencio Nartatez Jr., PNP Deputy Chief for Administration, na nagsilbing kinatawan ni PNP chief PGen. Nicolas Torre III.
Kasabay nito, nagtalaga rin ng bagong pinuno ng pulisya sa lalawigan ng Quezon.
Pormal na tinanggap kahapon ni PCol. Romulo Albacea ang pamamahala ng kaayusan at katahimikan sa kabuuang lalawigan ng Quezon sa pamamagitan ng bago ring katatalagang PRO-4A director na si PBrig. Gen. Wanky. Pinalitan niya bilang hepe si PCol. Ruben B. Lacuesta na nagsilbing provincial director ng QPPO sa loob ng anim na buwan.
- Latest