Pulis bawal mag-text, mag-yosi
MANILA, Philippines - Upang mas matugunan ang pangangailangan ng 25 milyong estudyante na dadagsa ngayon sa mga paaralan ay pinagbawalan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang mga pulis na mag-text at manigarilyo habang naka-duty.
Ayon kay NCRPO Director P/Chief Supt. Alan Purisima, ipinakalat na niya ang lahat ng opisyales ng PNP sa mga paaralan sa Metro Manila, kasama na rito ang mga sibilyang magbabantay naman sa mga sasakyan at kalsada, para masiguro ang katahimikan, ligtas, maayos at matagumpay na pagbubukas ng klase ngayon, at maipatupad ito hanggang sa pagtatapos ng taong ito.
“Our policemen must also be in their respective area of responsibility (AOR) as early as 6:00 in the morning, Monday, to man their post and to refrain from cellphone texting, smoking when in police uniform and other bad habits while on duty,” sabi ni Purisima.
Giit ni Purisima, nakakaramdam umano ang publiko ng kaligtasan kapag nakakakita sila ng pulis sa kalye dahil alam nilang mayroong magliligtas sa kanila sa oras ng peligro.
Pinayuhan ni Purisima ang publiko na huwag mag-atubiling humingi ng tulong sa kanila sa sandaling magkaroon ng anumang problema. Pwedeng itext ang NCRPO “Subukan Nyo Po Kami” sa 0915-8888181 at 0999-9018181 o tumawag sa QCPD Tactical Operations Center (TOC) 925-8417, 928-3606, 920-1378, o 474-3106 o 0915-258-1066.
- Latest
- Trending















