Plea bargain agreement ni Garcia 'go'
MANILA, Philippines - Inaprubahan ng Sandiganbayan ang ‘plea bargaining agreement’ na ipinasok ni dating military comptroller Maj. Gen. Carlos F. Garcia sa tanggapan ng Ombudsman noong panahon ni dating Ombudsman Merceditas Gutierrez.
Ang kasunduan ay nakapaloob sa ‘plead guilty’ ni Garcia sa kasong plunder na naisampa sa kanya sa Ombudsman dahilan para maibaba ang kaso sa direct bribery na lamang at makapag-piyansa ito sa kaso sa kundisyon naman na maibabalik nito ang P135 milyon sa P303 milyon na umanoy ninakaw nito mula sa kaban ng AFP.
Sa naipalabas na resolusyon ng Sandiganbayan Second Division, inaprubahan nito ang plea bargaining agreement dahil ang naipakitang mga ebedensiya ng tanggapan ng Ombudsman na magdidiin kay Garcia sa kaso ay hindi umano sapat para parusahan ito sa kasong plunder.
“Based on the totality of the evidence, after assessing the totality of the testimonial and documentary evidence, the court has found the same to be weak to support the information of plunder,” ayon sa graft court..
Samantala, sinabi naman ng kampo ni Garcia sa pamamagitan ni Atty. Maricel Capa na wala pa silang kopya nang naturang resolusyon kayat wala pa silang reaksiyon hinggil dito.
Iginiit naman kahapon ng Aquino government na hindi pa tapos ang laban makaraang aprubahan ng Sandiganbayan ang Ombudsman’s plea agreement kay dating AFP Comptroller Carlos Garcia, ayon kay Justice Sec. Leila de Lima.
Sinabi ni De Lima sa ambush interview matapos sumalubong ito kay Pangulong Aquino sa Villamor Airbase, may iba pang legal remedies na puwedeng gawin ang gobyerno tulad ng pagsasampa ng motion for reconsideration sa Sandiganbayan o maghain ng apela sa Court of Appeals.
“All is not lost because there are remedies under the law. The office of the Solicitor General can always elevate the matter either sa Court of Appeals or the Supreme Court. Pero kailangan siguro mag-file na muna ng motion for reconsideration although we will discuss that with the Solicitor General kung ano ang next move,” wika pa ni De Lima sa reporters.
Samantala, ilang senador naman ang nadismaya sa paglusot ng plea bargaining agreement ni Garcia sa Sandiganbayan.
Ayon kay Sen. Franklin Drilon, nakakadismaya ang pag-apruba ng plea bargaining agreement sa Sandiganbayan bagama’t hindi na ito nakakagulat.
Ayon naman kay Sen. Francis Pangilinan, isang malaking dagok sa korupsiyon ang pag-apruba ng nasabing plea bargaining agreement ni Garcia kaya’t dapat itong idulog kaagad ng gobyerno sa Supreme Court.
Naniniwala naman si Sen. Francis Escudero na hindi dapat ginawa ng Sandiganbayan ang pagkaka-apruba sa kasunduan dahil dapat mabulok sa bilangguan si Garcia.
- Latest
- Trending